PINALOBONG CIF NI DU30 PINAGPATULOY NI BBM

PINALOBO ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Confidential and Intelligence Funds (CIFs) na ipinagpatuloy naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kasabay ng paghahayag sa nasabing usapin, ibinahagi ng koalisyong Makabayan ang planong kuwestiyonin sa Korte Suprema ang P125 million na inilipat ni Marcos sa Office of the Vice President (OVP) noong 2022 na ginastos naman ni Vice President Sara Duterte sa loob lamang ng 19 araw.

Sa webinar ng nasabing grupo, nagsimulang lumobo ang CIF sa unang national budget ng dating Pangulo at imbes na bawasan ni Marcos ay lalo pang lumaki ang pondong ito kung saan maging ang Department of Education (DepEd), OVP at Department of Agriculture (DA) na dating walang ganitong uri ng pondo ay binigyan.

Ang DepEd na pinamumunuan ni VP Duterte ay mayroong P150 million Confidential Funds habang P500 million naman sa OVP sa ilalim ng 2022 national budget samantalang sa unang pagkakataon ay magkakaroon ng P50 million CIF ang DA na pinamumunuan ni Marcos.

Sa datos ng Makabayan bloc sa Kamara, mula sa administrasyon nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Benigno “Noynoy” Aquino III, o mula 2001 hanggang 2016, hindi umaabot sa P2 bilyon ang CIF ng mga ito.

Gayunpaman, pagdating ng 2017, higit triple ang itinaas ng CIF dahil halos P6 billion ang ibinigay na pondo kay Duterte at tumaas pa sa P8 billion noong 2018 at bahagyang bumaba sa P7 bilyon noong 2019.

Hindi na ito bumaba mula 2020 hanggang 2022 at pagdating ng 2023, sa unang budget ni Marcos, ay umabot na ito ng P10.1 billion at muling lumobo sa P10.14 billion sa susunod na taon.

Nabatid naman kay dating Congressman Neri Colmenares na naghahanda na ang mga ito para kwestiyunin ang ibinigay ni Marcos na CIF kay Duterte noong December 13, 2022 na naubos pagdating ng December 31, 2022.

Sinabi ng dating solon na lalong aabusuhin ni Marcos at mga kasabwat nito ang pondo ng bayan kung mananahimik lamang ang lahat sa nasabing usapin lalo na’t pondo ito ng bayan o mula sa pinagpawisan ng mamamayan.

“If we allow this, then all corrupt public officials have to do is to merely transfer regular General Appropriations Act (GAA) items to confidential funds to get away from strict auditing,” paliwanag ni Colmenares. (BERNARD TAGUINOD)

361

Related posts

Leave a Comment