DMW, Embahada kinastigo sa kapalpakan BANGKAY NG NEPALESE IPINADALA SA PAMILYA NG NASAWING OFW

MARIING kinastigo ng isang mambabatas sa Kamara ang Department of Migrant Workers (DMW) at Embahada ng Pilipinas dahil imbes na bangkay ng OFW na namatay sa Kuwait ang iniuwi, labi ng kasamahan nitong Nepalese national ang dumating sa bansa.

“This is a grave insult to the dignity of our OFWs and their families. Paano nangyari na ang bangkay ng isang Nepali national ang naiuwi sa Pilipinas samantalang ang pamilya Alvarado ay naghihintay sa kanilang ina? Malaking kapalpakan ito,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang kaso ni Jenny Sanchez Alvarado na namatay umano sa Kuwait subalit imbes na labi nito ang dumating ay ang kasamahan nitong Nepali ang iniuwi sa Pilipinas.

Base sa mga report, selyado ang kabaong ni Jenny subalit dahil sa pagnanais ng kanyang pamilya na makita ito ay sinilip nila ito at laking gulat nila dahil ibang tao ang kanilang pinaglalamayan sa Cavite.

“The incident has caused severe emotional distress to Alvarado’s husband and five children, who only discovered the wrong remains upon opening the casket at a funeral home in Cavite,” pahayag ni Brosas.

Kailangang may managot aniya sa kasong ito sa DMW at maging sa mga opisyales ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait dahil lumalabas na nagkaroon ng kapabayaan at hindi ginagawa ng mga ito ang kanilang tungkulin.

“We demand answers from the DMW and our embassy officials. Saan napunta ang bangkay ni Jenny? Bakit hindi maayos ang identification process? This negligence is unacceptable and someone must be held accountable,” ayon pa sa mambabatas.

Iginiit ng mambabatas na kailangang magkaroon ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Jenny at dalawang kasamahan nitong domestic worker upang malaman ng may foul play dahil hindi ito kumbinsido na namatay ang mga ito dahil sa suffocation noong Enero 2, 2025. (BERNARD TAGUINOD)

58

Related posts

Leave a Comment