ISANG politikong mula sa Mindanao ang hinihinalang sangkot sa nabigong pagpupuslit ng 521 kilo ng shabu mula sa Laos papasok ng Pilipinas.
Ayon sa PDEA, sa kanilang imbestigasyon, isang politiko mula sa Mindanao ang nagpondo sa chartered private jet na gagamitin sana para magpuslit ng 521 kilo ng shabu (nagkakahalaga ng P3.54 bilyon) mula sa Laos patungong Pilipinas.
“We have identified the financier behind this drug operation. This politician is based in the South, in Mindanao,” ani PDEA spokesperson, Atty. Joseph Frederick Calulut, sa panayam ng media nitong Huwebes.
Subalit hindi kinilala ni Calulut ang nasabing politiko maliban lamang na ang naturang politiko ay kabilang sa partidong kritiko o kalaban ng kasalukuyang administrasyon.
Hindi pa muna isinapubliko ng PDEA ang pangalan o eksaktong posisyon ng politiko habang nagpapatuloy pa ang case-building at masusing imbestigasyon upang hindi ito ma-compromise.
Magugunitang naharang ang kontrabando sa Luang Prabang International Airport sa Laos noong Oktubre 1, matapos tumanggi ang piloto ng private jet na isakay ang mga bagahe ng Pilipinong suspek na kinilala sa alyas na “Dibrohosin Fahad”, 46, residente ng Marawi City.
May isa pang Pilipinong sangkot na may alyas namang “Boyet” na siyang nag-ayos ng flight booking, ang umano’y nasa watchlist at pakay din ng case build-up ng PDEA, subalit sinasabing nakalipad na ito patungong Hong Kong, dalawang araw bago masabat ang mahigit kalahating toneladang droga.
(JESSE RUIZ)
72 