TAMBULI ni JESSE RUIZ
HINDI na lamang simpleng isyu ng transparency ang lumilitaw ngayon sa mga pagdinig ng Senate Impeachment court kundi isang nakababahalang larawan ng posibleng pang-aabuso sa tiwala ng publiko.
Sa pinakahuling rebelasyon ng beteranong forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera—ang pag-agos ng mahigit P11.35 milyon mula sa bank account nina Vice President Sara Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio patungo sa kanilang family dentist at business partner na si Dr. Lourdes Libosada—ay patunay na ang usapin ng hindi idineklara o hindi mapatunayang yaman ay nangangailangan ng masidhing imbestigasyon.
Mga katoto, lumilitaw umano sa pagsusuri, ang naturang halagang napunta kay Libosada ay hindi maihahanay sa karaniwang gastusin sa dental check-up.
Itinuturing ito na bahagi ng mas malawak na larawan: ang aabot sa halos P817.87 milyon na kabuuang halaga ng mga hindi idineklarang cash, personal at real properties, pati na ang mga kita mula sa mga korporasyong gaya ng Cale88, Metro City, at GenCorp sa pagitan ng 2002 hanggang 2025.
Sa pagtatanong ni House prosecution panel member Rep. Chel Diokno sa financial documents nina Duterte at Carpio, tinanong niya ang forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera kung sino ang “Lourdes Libosada” na nakatanggap umano ng milyon-milyon mula sa mag-asawa.
Dagdag ni Cabrera, “Si Ms. Lourdes Libosada po ay ito po yung partner po ni Atty. Mans Carpio po sa kanya pong business na Cale88. At 47.5% po ‘yung kanilang ownership sa Cale88.”
Ang perang ibinigay kay Libosada ay bahagi lamang ng tinukoy ni Cabrera sa kanyang ulat na “certain banking behaviors that may warrant further review and investigation”.
Mas lalong nakapagtataka at nagpapataas ng kilay ang kaugnayan ng naturang negosyo ng banana chips sa mga dayuhang kumpanya mula sa China at sa isang sangkot umano sa money laundering sa Ukraine.
Hindi ba naging kuwestyun din ang kumpanyang Cale88 na kumikita ng milyon-milyon kahit iilan lamang umano ang nakarehistrong tauhan.
Bilang mga matataas na opisyal ng pamahalaan, tungkulin ng sinomang lider na sumunod sa isinasaad ng batas ukol sa katapatan sa pagdedeklara ng ari-arian (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN).
Ang SALN ay hindi simpleng pormalidad o papel na pinipirmahan; ito ang pundasyon ng pananagutan sa taumbayan. Kapag lumitaw na may mga nakatagong yaman at milyun-milyong transaksyon sa mga taong malapit sa pamilya, likas lamang na kuwestiyunin ng publiko kung saan nagmula ang yaman na ito.
Hindi na ito usapin ng pulitika lamang; ito ay usapin ng integridad, moralidad sa paglilingkod-bayan, at katarungan. Nararapat lamang na patuloy na kalkalin ng prosekusyon at ng hukuman ang katotohanan sa likod ng mga dokumentong ito.
Kung malinis ang hangarin at legal ang pinanggalingan, walang dapat ikatakot sa pagsisiwalat. Subalit kung mapatunayang may paglabag sa batas at pagtatago ng yaman, kailangang managot ang sinoman—gaano man kalakas ang kanilang impluwensya o kataas ang posisyon.
97 