GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
KUNG may kailangan tayong idagdag sa ating emergency kit para sa Super El Niño, mukhang balde na iyon. Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dapat mangolekta ng tubig-ulan ang publiko bilang paghahanda sa posibleng epekto ng matinding tagtuyot.
May plano rin ang pamahalaan na turuan ang mga tao kung paano lilinisin ang naipong tubig at magsagawa ng cloud seeding. Sa unang tingin, praktikal naman ang mga mungkahi. Pero habang iniisip ko ang mga pamilyang posibleng mawalan ng sapat na tubig sa mga susunod na buwan, hindi ko maiwasang itanong kung balde ba talaga ang isa sa pinakamahalagang bagay na dapat nating pag-usapan ngayon.
Aminado naman ako, magandang ugali ang magtipid ng tubig. Kung may pagkakataong makapag-ipon tayo ng tubig-ulan, samantalahin natin. Pero may kaibahan ang paghahanda ng isang pamilya sa paghahanda ng isang buong bansa. Kaya kong magtabi ng tubig sa bahay, pero hindi ko kayang tiyaking may sapat na suplay para sa buong barangay. Puwede akong bumili ng mas malaking lalagyan, pero hindi ko kayang solusyunan ang problemang maaaring kaharapin ng mga magsasaka kapag kulang ang ulan at nasisira ang kanilang mga pananim. May hangganan ang kayang gawin ng bawat isa sa atin, at doon dapat pumapasok ang mas malawak na plano ng pamahalaan.
Ang nakatatawa sa sitwasyong ito ay hindi ang mismong mungkahing mag-ipon ng tubig.
Ang problema ay kung hanggang doon na lang ba ang pag-uusapan natin. Ang Super El Niño ay maaaring magdulot ng matinding init, kakulangan sa tubig at panganib sa kabuhayan ng maraming tao. Paano kung tumagal ang tagtuyot? Paano kung hindi sapat ang suplay ng tubig para sa mga pangangailangan ng komunidad? Hindi masasagot ng mga balde ang mga tanong na iyan. At kung ang sagot ay maghintay ng ulan, parang ipinasa na lang natin sa panahon ang responsibilidad na dapat nating paghandaan.
Tungkol sa cloud seeding, maaari itong makatulong kapag angkop ang kondisyon, pero hindi ito garantisadong solusyon sa kakulangan ng ulan. Para sa akin, mas mahalagang marinig kung paano paghahandaan ng pamahalaan ang mga sitwasyong hindi kayang solusyunan ng ganitong operasyon. May sapat bang plano para sa mga lugar na posibleng makaranas ng matinding kakulangan sa tubig? Paano tutulungan ang mga magsasaka? Ano ang gagawin para maprotektahan ang mga taong kailangang magtrabaho sa ilalim ng matinding init?
Matagal nang pinag-uusapan ang kahalagahan ng mga puno at berdeng espasyo sa pagpapababa ng init sa mga komunidad. Puwede ring pagbutihin ang bentilasyon ng mga paaralan at pampublikong gusali upang hindi maging napakainit ng mga ito sa araw.
Kailangan natin ng malinaw na babala tungkol sa panganib ng matinding init at mga planong magbibigay-proteksiyon sa mga higit na nanganganib. Hindi man agad maramdaman ang epekto ng mga hakbang na ito, mas makatutulong ang mga ito sa pangmatagalang paghahanda kaysa umasa lamang tayo sa mga solusyong ginagamit kapag malapit na ang krisis.
Ang totoo, hindi ko naman inaasahang gobyerno ang gagawa ng lahat para sa atin. May responsibilidad din tayong magtipid ng tubig at maging handa. Pero nakapagtataka kapag mas malinaw pa ang mga paalala sa publiko tungkol sa dapat nilang gawin kaysa mga planong dapat isagawa ng mga namumuno. Ang paghahanda sa sakuna ay hindi lang tungkol sa pagbibigay ng payo. Tungkol din ito sa pagtiyak na may maaasahang sistema ang mga tao kapag dumating na ang panahong hindi na sapat ang sarili nilang paghahanda.
Dapat kasama sa disaster risk reduction plans ng mga lokal na pamahalaan ang matinding init at tagtuyot, gaya ng paghahanda nila sa bagyo at lindol. Kailangan ng mga planong nakabatay sa pangangailangan ng bawat komunidad, hindi lamang pangkalahatang paalala na magtipid ng tubig. Hindi pare-pareho ang epekto ng El Niño sa lahat ng lugar, kaya dapat ding malinaw kung paano tutugon ang mga kinauukulan sa iba’t ibang pangangailangan. Kung alam na nating may ganitong panganib, bakit pa natin hihintaying maramdaman ng lahat ang epekto bago kumilos?
Kaya kung may balde kayo sa bahay, gamitin ninyo. Mag-ipon ng tubig kung may pagkakataon at huwag mag-aksaya. Pero habang ginagawa natin ang ating parte, gusto ko ring makitang ginagawa ng pamahalaan ang kanila. Dahil kapag dumating na ang matinding tagtuyot, hindi sapat na sabihan ang mga tao na sana ay marami silang naipong tubig noong umulan. Ang kailangan nila ay tubig na magagamit, tulong na maaasahan, at isang pamahalaang may planong higit pa sa pagsasabing bumili ng balde.
88 