DOBLE-KAYOD ang Bureau of Customs (BOC) ngayong ber months sa harap ng inaasahang pagdami ng mga inaangkat na produkto para sa Pasko at Bagong Taon, kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga ipinadadalang balikbayan box mula sa ibang bansa.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, pinaigting ng Aduana ang operasyon sa mga pantalan habang patuloy na ipinapatupad ang mga regulasyon, inspeksyon at kampanya laban sa smuggling upang matiyak ang maayos na pagproseso ng mga kargamento sa panahon ng dagsaan ng mga padala.
Tiniyak ni Nepomuceno na sisikapin ng BOC na hindi na maulit ang mga reklamong may kaugnayan sa mga balikbayan box na hindi dumarating sa itinakdang panahon o hindi naihahatid sa mga nararapat na tumanggap nito.
Nauna nang naiulat na libo-libong balikbayan box ang naipit sa mga pantalan matapos umanong abandonahin ng ilang shipper, forwarder, consolidator at deconsolidator, kahit nabayaran na ng mga overseas Filipino worker (OFW) at iba pang nagpapadala ang serbisyo ng mga ito.
Dagdag ni Nepomuceno, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng BOC sa mga bansang pinagmumulan ng maraming padala ng mga Pilipino, partikular ng mga OFW, upang matugunan ang mga reklamo laban sa mga kumpanyang umano’y nanloloko sa mga nagpapadala ng balikbayan box.
Layunin din ng koordinasyong ito na mapigilan ang mga kumpanyang sangkot sa ganitong gawain na makapagparehistro o makapagpatuloy sa kanilang operasyon.
Dahil dito, pinayuhan ang mga OFW at iba pang nagpapadala ng balikbayan box na tiyaking lehitimo ang kanilang napiling cargo o forwarding company. Pinayuhan din silang itago ang mga resibo at iba pang dokumento bilang patunay ng kanilang transaksyon.
Samantala, patuloy na inaayos ng BOC ang sistema nito upang mapabilis ang pagpasok at pagpapalabas ng mga inaangkat na produkto sa iba’t ibang port of entry sa bansa.
(JESSE RUIZ)
75 