IGINIIT ni Rep. Joel Chua na hindi basta maituturing na gawa-gawa lamang ang mga ebidensyang ginagamit laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, dahil nakabatay ang mga ito sa kanyang pirmadong deklarasyon ng ari-arian at iba pang rekord pinansyal.
Ayon kay Chua, na kabilang sa prosekusyon sa impeachment trial ni Duterte, nagmula ang mga dokumentong ginamit sa pagsusuri sa sariling mga deklarasyon at rekord pinansyal ng bise presidente, ng kanyang asawa at ng kanilang mga interes sa negosyo.
Ginamit umano ng prosekusyon ang mga dokumentong ito upang alamin kung nagtutugma ang yaman na nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte at ang iba pang rekord pinansyal.
“Bank record, insurance, BIR, SEC, lahat po ‘yan sa kanila po ‘yan,” ani Chua, na tumutukoy sa mga rekord mula sa mga bangko, kumpanya ng insurance, Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC).
Binigyang-diin ni Chua na si Duterte mismo ang lumagda at nagsumite ng kanyang sinumpaang deklarasyon ng yaman.
Dahil dito, naniniwala ang prosekusyon na hindi maaaring basta itanggi na gawa-gawa lamang ang mga dokumentong ginamit bilang ebidensya.
“Naniniwala kami na hindi na po nila pwedeng sabihin na ito ay gawa-gawa lamang itong mga ebidensyang ito,” giit ni Chua.
Sa kanyang 2025 SALN, nagdeklara si Duterte ng net worth na ₱98,656,131.20. Gayunman, batay sa impormasyong inilatag ng prosekusyon, maaaring umabot sa ₱1.5 bilyon ang hindi maipaliwanag na yaman kapag pinagsama-sama ang kanyang mga interes sa negosyo.
(TINA MENDOZA)
85 