KAPANSANAN HINDI DAPAT GAWING ‘PUNCHLINE’ — TULFO

KINONDENA ni Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, ang pangungutya kay Joshua Aquino sa isang podcast ng “Machong Chismisan,” kung saan tinawag umano itong “walang kuwenta.”

Ayon kay Tulfo, kabalintunaan na ang mga taong walang kapansanan ay sila pang nagpapakita ng kakulangan sa pang-unawa at pagiging sensitibo sa mga pinagdaraanan ng mga persons with disabilities (PWDs).

Kung nakararanas ng ganitong pagtrato ang mga PWD mula sa mga kilalang pamilya, mas dapat umanong pagtuunan ng pansin ang diskriminasyong kinahaharap ng mga ordinaryong Pilipinong may kapansanan.

Binigyang-diin ni Tulfo na hindi dapat gawing katatawanan ang kapansanan dahil hindi ito kasalanan ng isang tao at walang puwang ang diskriminasyon laban sa mga PWD.

Bagama’t malayo na ang narating ng bansa sa pagbibigay ng proteksyon sa mga PWD, ipinakikita aniya ng insidente na marami pang kailangang gawin upang matiyak ang kanilang mga karapatan.

Kaugnay nito, patuloy na isinusulong ni Tulfo ang mga panukalang batas na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga PWD, kabilang ang Senate Bill No. 1405 na naglalayong gawing lifetime ang bisa ng PWD ID ng mga taong may permanenteng kapansanan, at Senate Bill No. 1830 na naglalayong mapahusay ang access ng mga PWD sa mga tourism site.

Ayon kay Tulfo, hindi dapat magtapos sa pagkondena sa diskriminasyon ang pagtugon sa ganitong mga insidente, kundi dapat itong samahan ng patuloy na pagsusulong ng mga polisiya para sa mas maayos na proteksyon at karapatan ng mga PWD sa bansa.

73

Related posts

Leave a Comment