IMINUNGKAHI ni Senador Sonny Angara na ngayon pa lamang ay talakayin na ng Kongreso ang paglalaan ng pondo para sa pagbili ng mga bakuna na ituturok sa mga kabataan.
Sinabi ni Angara na bagama’t pinag-uusapan pa kung papayagan na sa bansa ang pagbibigay ng bakuna sa kabataan, dapat na ring isama sa budget hearings na sisimulan sa Agosto ang paglalaan ng pondo.
“Kailangan gawing prayoridad ‘yan sa 2022 budget dahil wala pong allotment sa 2021 budget. ‘Yung P82.5B sa Bayanihan 2 ang intensyon ay para sa mga adult population ng ating bansa pero kung may naiwan doon pwedeng umpisahan kung sakali,” pahayag ni Angara.
Bukod sa 2022 National Budget, iginiit ng senador na maaari ring ikonsidera ang bakuna para sa kabataan sa ilalim ng Bayanihan 3.
“Pwede rin, isa ring opsyon ‘yan pero hindi pa klaro kung may pondo para sa Bayanihan 3,” paliwanag ng senador.
Una nang nanawagan si Angara sa Food and Drug Administration at sa Inter-Agency Task Force na aralin na ang ginagawa ng ibang bansa na sinasaklaw na rin ang kabataan sa pagbabakuna kontra COVID-19.
“Ang rason natin dito para maumpisahan ang face-to-face para makasiguro rin ang mag magulang na safe ang kanilang mga anak,” diin ni Angara. (DANG SAMSON-GARCIA)
153 