MARIING tinutulan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang bentahan ng anti-COVID-19 vaccines sa lungsod, maging sa pribadong organisasyon, indibidwal o kompanya.
Kasabay nito, nag-alok ang alkalde ng tulong ng mga doctor at nurses na magsisilbing vaccinators, encoders at iba pang kawani na kakailanganin sa maramihang pagbabakuna ng pribadong mga kompanya sa kanilang mga empleyado.
Sinabi ni Moreno, magpapadala ng vaccinating teams ang pamahalaang lokal nang libre dahil ito ay kanilang gawain bilang public servant.
“Any organization or kompanya, hindi ko papayagan to exploit the situation. Not on my watch. Hindi ko hahayaan na gahasain ninuman ang kahinaan ng taumbayan to access the vaccines. Kaya nga ‘di kami nagpapahinga, nagkukumahog kami by reaching out to as many as possible,” giit pa ni Moreno.
Nanawagan din ang alkalde sa lahat ng mga pribadong organisasyon, indibidwal at kompanya na bumili ng vaccines at ibigay ito nang libre sa kanilang mga empleyado sa halip na pabayaran sa pamamagitan ng salary deduction scheme.
Gayunman, nagbabala ang alkalde sa publiko na huwag magpabiktima sa mga taong nagsasabing ang sinisingil lamang nila ay ang administration expenses at hindi ang bakuna.
“No company, person or organization can sell the vaccine. Panawagan ko ‘to ha. Magpapasa kami ng batas sa Maynila laban sa mga nagpapabayad ng bakuna. Ipakukulong ko talaga kayo,” pahayag ng alkalde.
Ayon pa kay Moreno, ang bakuna ay dapat na abot-kamay ng lahat at habang pinapayagan ang private sector na makakuha ng doses, ito ay para ibigay sa kanilang mga empleyado nang libre.
“Hindi dapat for a fee or salary deduction, kasi mae-expose tayo sa ibang bansa na ginagawang enterprise ang kahinaan ng mga tao. Naitala ang bakuna as EUA (emergency use authorization) and not as CPR (certificate of production) registration na puwede na for commercial use,” paliwanag pa ng alkalde.
Samantala, nagsimula nang halukayin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang nabulgar na pagbebenta ng COVID-19 vaccines at vaccination slots.
Ito ay pagtalima sa kautusan ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar na siyasatin ang umano’y “under the table” o pagbebenta ng vaccination slots o bakuna sa ilang local government units.
Tiniyak ni Eleazar, kanilang tutugisin at papanagutin sa batas ang mga pasimuno ng ganitong modus.
Nilinaw ng heneral na ilegal ang pagbebenta ng COVID-19 vaccine dahil nagawaran lamang ito ng Emergency Use Authorization o EUA ng ating Food and Drug Administration at hindi for commercial use.
Ang hakbang ng PNP ay bunsod ng viral post sa social media na nagpapakita na ang vaccine slots sa iba’t ibang local government units ay ibinibenta ng ilang “unscrupulous” individuals at depende ang presyo sa brand ng vaccine.
Nagkakahalaga umano ng P10,000 hanggang P15,000 ang vaccination slots.
Nabatid na karamihan sa dumating na mga bakuna ay donasyon at ang iba ay binili ng ating gobyerno para ibigay nang libre sa publiko. ((RENE CRISOSTOMO/JESSE KABEL)
143 