Preparado na sa Semana Santa HIGIT 1K PULIS IKAKALAT SA CENTRAL LUZON

INIHAYAG ni Police Regional Office 3 director Brigadier General Jean Fajardo na maglalatag sila na 602 mga police assistance desk bilang paghahanda ngayong bakasyon at sa nalalapit na Semana Santa.

Sinabi ni Fajardo, na nasa 1,484 na pulis ang ikakalat na magsisipag-uwian sa lalawigan sa mga rehiyon gayundin sa mga bakasyunista ngayong summer season.

Ayon dito, ang mga police assistance desk na ikakalat ay sa mga istratehikong lugar upang pigilan at masiguro na ligtas ang mga biyahero at turista sa masasamang balak ng mga criminal.

Kabilang sa kanilang tututukan ay ang mga matataong lugar, gaya ng mga beach resort, simbahan, palengke, mall, pasyalan at iba pang lugar na madalas pinupuntahan ng mga tao.

Dagdag pa ni Fajardo na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga lokal na pamahalaan sa Region 3 upang matulungan sila ng karagdagang pwersa sa sandaling kailanganin.

Magiging katuwang din ng PRO 3 ang Highway Patrol Group (HPG) para sa pagmamando ng trapiko, lalo na sa mga malalaking okasyon gaya ng Araw ng Kagitingan, Semana Santa, mga barrio fiesta at Flores de Mayo.

Samantala, naghahanda na rin ang MARINA sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong Semana Santa.

Sinimulan na ng MARINA ang inspeksiyon sa mga pampasaherong barko, habang ang Philippine Coast Guard (PCG) ay magpapakalat ng dagdag na tauhan sa matataong pantalan.

Pinayuhan na ng MARINA ang mga biyahero na magplano nang maaga upang maiwasan ang abala.

(TOTO NABAJA)

60

Related posts

Leave a Comment