HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy na tiyaking nasusunod ang schedule ng maintenance at shutdown ng mga natural gas plants at dapat hindi na mapalawig pa.
Ginawa ng vice chairman of the Senate Committee on Energy ang pahayag kasunod ng pag-anunsyo ng Department of Energy sa pag-shutdown ng pasilidad ng South Premiere Power Corp. at Excellent Energy Resources, Inc., na pag-aari ng Meralco PowerGen, San Miguel Global Power, at Aboitiz Power.
Sinabi ni Gatchalian na kinikilala nila na mahalaga ang preventive maintenance upang maiwasan ang mga biglaang pagkasira ng mga planta na labis na makakaapekto sa negosyo at sa mga consumer.
Subalit umaasa ang senador na titiyakin ng DOE na hindi naman magdudulot ng hindi makatwirang pagkawala ng suplay ng enerhiya ang mga aktibidad ng mga planta.
Dapat anyang imonitor ng DOE ang sitwasyon upang matiyak na matatapos sa takdang oras ang preventive maintenance activities.
Nanawagan din ang mambabatas sa mga consumer na ugaliin ang pagtitipid sa suplay ng kuryente upang makatulong sa mga hakbanging maiwasan ang power interruptions.
(Dang Samson-Garcia)
