SA bibihirang pagkakataon, nagsama-sama ang mga dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) mula sa iba’t ibang administrasyon at naghayag ng suporta kay retired Philippine Marine Colonel Ariel Querubin sa Club Filipino, San Juan City kamakailan.
Sa nasabing pagtitipon inihayag ni Querubin ang pagtakbo bilang senador sa 2025 midterm elections.
Layon din ng pagtitipon na ipahayag ang kanilang suporta sa panawagan ng pagkakaisa gayundin ng kabayanihan sa gitna ng mga kasalukuyang hamon na kinahaharap ng bansa.
Sa gitna na rin ito ng mga hamong kinahaharap ng Pilipinas partikular na ang agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) at ang pambu-bully ng China Coast Guard sa mga tropa ng militar sa kanilang pagsasagawa ng re-supply mission sa Ayungin Shoal.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon sina dating AFP Chief of Staff, Gen. Eduardo Oban; dating Navy Flag Officer-in-Command, VAdm. Alexander Pama; dating CIDG Director, PMGen. Samuel Pagdilao; dating Col. Ariel Querubin at iba pa.
Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta ang mga dating opisyal ng militar at pulisya sa isinusulong na layunin ni Col. Ariel Querubin na isang medal of valor awardee at dating commander ng Western Command.
Ayon kay Querubin, ang panggigipit ng China sa West Philippine Sea ay isang malaking banta sa soberenya ng bansa at ang pamamayagpag ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay nakaaapekto nang husto sa mga komunidad.
“We find ourselves at a crossroads,” pahayag ni Querubin. “The bullying in the West Philippine Sea threatens our sovereignty, while the proliferation of illegal POGOs brings social issues that affect our communities. And the call for the modernization of our military – to secure our nation and uphold our sovereignty with the respect it deserves – is nothing short of urgent and vital for our survival as a free nation,” aniya pa.
Ayon sa retiradong opisyal, kailangan palakasin ang pagiging makabayan at sakripisyo ng mga Pilipino.
“My vision is a nation of heroes. Isang bayang handang magsakripisyo at kayang ipaglaban ang Pilipino mula sa mga mang-aapi,” dagdag ni Querubin. (JULIET PACOT)
