HIHIGPITAN pa ng Manila Police District (MPD) ang pagpapatupad ng seguridad sa lungsod matapos itong mapasama sa mga lugar na pinaka delikado para sa mga turista.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP-PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, tiniyak ng MPD ang pagdodoble kayod para matiyak ang kaligtasan hindi lang ng mga turista kundi mga mamamayan ng lungsod.
Nauna nang kinausap ng PNP si Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, MPD director matapos lumabas ang Forbes Advisory kung saan kasama ang Maynila sa tinaguriang “riskiest cities” for foreign tourists.
Sa katunayan ani Fajardo, pinaigting ng Pambansang Pulisya ang seguridad hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa buong bansa.
Bagama’t aminado na mayroong mga krimeng naitatala sa Maynila, sinisiguro naman ng pulisya na kanilang nahuhuli at napapanagot ang mga salarin.
Samantala, nais umanong makita ng PNP ang ginawang basehan ng survey at kailan ito isinagawa para mapag-aralan.
Ayon sa survey, nasa pang limang pwesto ang Maynila at pangsiyam din pagdating sa crime risk, panglima pagdating sa personal security risk, pangpito sa health security risk, pangsiyam sa infrastructure security risk, at panlabindalawa pagdating sa digital security risk.
Kasama ng Maynila sa top five riskiest cities ay Lagos, Nigeria; Yangon, Myanmar; Karachi, Pakistan at Caracas, Venezuela. (JESSE KABEL)
