MASAHOL pa si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo sa pinalitan nito sa House Committee on Appropriations na si Rep. Zaldy Co, ayon kay dating presidential spokesperson at presidential legal counsel na si Salvador Panelo.
Tinawag ni Panelo bilang arkitekto ng pinaka-corrupt na pambansang budget si Co, na pinalitan bilang chairman ng Committee on Appropriations sa mosyon na rin ng anak ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na si Rep. Sandro Marcos.
Subalit sinabi ni Panelo na mas malala pa ang pumalit kay Co sa katauhan ni Quimbo, na tinawag niyang poster girl ng “unexplained wealth.”
Ayon kay Panelo, pinangalandakan ni Quimbo ang kanyang yaman at maluhong pamumuhay matapos maging miyembro ng Kongreso, mula sa pagiging karaniwang guro. Dahil dito, sinabi ni Panelo na inulan si Quimbo ng batikos sa social media mula sa mga netizen na nakapansin sa mga mamahaling damit, alahas, relo at bag na suot niya tuwing may hearing ang Kongreso.
Una nang nanawagan si Panelo sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang yaman ni Quimbo, kasabay ng pagkuwestiyon kung saan nakuha ng mambabatas ang pera para masuportahan ang kanyang maluhong pamumunuhay.
Kinuwestiyon din ni Manila Times columnist Rigoberto Tiglao, na dati ring presidential spokesperson, ang kakayahan ni Quimbo na tustusan ang marangya nitong pamumuhay.
Sa taya ni Tiglao, aabot sa halos P100 milyon ang branded bags ng mambabatas, gaya ng Chanel, Dior, Goyard, at Birkin, ang kanyang mamahaling relo gaya ng Patek Philippe at Rolex, at kuwintas na Cartier.
