ISANG ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang iniulat na nasawi habang tatlong miyembro ng Philippine Marines na katuwang sa inilunsad na anti-narcotics operation sa Tawi-Tawi ang nasugatan kahapon ng umaga.
Sa impormasyong ibinahagi sa media ni Capt. Steffi Salanguit, Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) spokesperson, bandang alas-6:00 ng umaga kahapon nang ikasa ang joint buy-bust operation ng PDEA at Marine Battalion Landing Team 4 (MBLT-4) sa Sitio Mapanbubu, Barangay Paniongan, Bongao, Tawi-Tawi.
Wala pang inilalabas na opisyal na kumpirmasyon ang punong tanggapan ng PDEA hinggil sa inisyal na ulat na nakalap ng Bongao PNP na isang operatiba ng ahensya ang nasawi sa kasagsagan ng anti-illegal drug operation.
Tatlong tauhan naman ng Philippine Marines ang iniulat na nasugatan, kabilang ang isang lieutenant colonel.
Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, patuloy pa ang pangangalap nila ng karagdagang impormasyon hinggil sa nasabing joint operation ng PDEA at militar na nauwi sa matinding engkwentro.
(JESSE RUIZ)
64 