SINAGOT ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) ang pahayag ni former president Rodrigo ‘Rody’ Duterte (FPRRD) sa mismong balwarte ng mga Duterte sa Davao hinggil sa planong ipapatay umano ang 15 senador para makapasok ang mga kandidatong senador ng oposisyon.
Pinasaringan ni PBBM ang mga Duterte nang pangunahan niya ang political rally ng administration party na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Carmen, Davao del Norte upang tanungin kung “bakit puro pagpatay ang naiisip na solusyon ni FPRRD?”
Magugunitang umani ng samu’t saring reaksyon ang mga maanghang na pahayag ni Duterte sa kickoff rally ng PDP-Laban na kung saan iminungkahi nito na papatay na lang umano ng 15 senador para makapasok ang kanyang senatorial team.
Ayon kay Marcos, nakakapagtaka na may mga taong iisa lang ang naiisip na solusyon sa lahat ng bagay at ito nga ang pumatay.
Kasama ni PBBM ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial slate ng administrasyon, nang dayuhin nila ang baluarte nina dating Pangulong Duterte at anak nitong si Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio.
Nanguna sa mga dumalong senatorial aspirant ng administrasyon sa campaign rally sa Carmen Municipal Park and Plaza sina outgoing Makati City mayor Mar-len Abigail ‘Abby’ Binay, dating interior secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr., mga senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Lito Lapid at Francis Tolentino, ACT-CIS party-list representative Erwin Tulfo at mga dating senador Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao at Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Hindi naman nakasama sa nasa ing rally sina senadora Maria Imelda Josefa Remedios ‘Imee’ Marcos-Manotoc at Pilar Juliana ‘Pia’ Cayetano, dating senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Las Piñas congresswoman Camille Villar.
Ito na ang ikatlong campaign sortie ng administration slate, matapos dumayo sa Laoag City at Iloilo.
Inihayag ni Alyansa Para sa Bagong Pilipinas campaign manager at Navotas City representative Tobias Renaldo ‘Toby’ Tiangco na nakikita niyang hindi mahihirapan sa laban ang mga senatorial bet ng administrasyon sa balwarte ng mga Duterte.
“Ang goal talaga is makaabot sa bawat Pilipino, ideally, as much as possible, ‘yung programa ng Alyansa at ‘yung plataporma ng bawat kandidato. No matter where the region is, the goal will be the same,” punto ni Tiangco.
“Dahil hindi ako taga-Mindanao, tayo po ay nanliligaw. That’s the point, the reason kung bakit po kami bumababa sa lahat ng regions and kailangan pa namin puntahan iyong mga lugar na hindi ka malakas . . . you go out of your comfort zone because gusto mong kumuha ng boto doon sa lugar na iyon,” wika naman ni Binay. (JESSE KABEL RUIZ)
