UMABOT na sa pito ang bilang ng mga naiulat na nasawi sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Maymay at Tropical Cyclone Luis, kasabay ng pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat.
Sa inilabas na datos ng Office of Civil Defense (OCD), anim sa mga nasawi ang naiulat na may kaugnayan sa mga insidente ng landslide, rockslide, pagkalunod at electrocution.
Dalawa ang nasawi dahil sa landslide sa La Trinidad, Benguet, habang dalawa naman ang nasawi dahil sa rockslide sa Rodriguez, Rizal. Isa ang nalunod sa Luna, La Union at isa naman ang nakuryente.
Kasalukuyan pang bineberipika kung may kaugnayan din sa pag-ulan ang pagkamatay ng isang 28-anyos na lalaki na nakuryente noong Sabado ng gabi habang naglalakad sa kalsadang lubog sa baha sa Lipa City, Batangas.
Batay sa ulat ng Lipa City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), naganap ang insidente bandang alas-11:20 ng gabi sa J.P. Laurel Highway sa Barangay Tambo nang makahawak umano ang biktima sa poste ng ilaw.
Samantala, pito rin ang naiulat na nasugatan. Lima sa mga ito ay mula sa Baguio City dahil sa landslide, isa sa Kapangan, Benguet dahil sa vehicular accident, at isa sa La Trinidad, Benguet dahil din sa landslide.
Umakyat na sa 110,000 pamilya o katumbas ng 382,000 indibidwal ang naapektuhan ng mga pag-ulan sa Regions I, II, III, V at IX, Cordillera Administrative Region (CAR), MIMAROPA at CALABARZON.
Nasa 7,200 katao naman ang kasalukuyang nanunuluyan sa 86 evacuation centers, ayon sa OCD, habang nasa 3,700 katao ang pansamantalang naninirahan sa labas ng evacuation centers.
Umaabot naman sa 148 bahay ang nasira, kabilang ang 10 na tuluyang nawasak.
Batay sa initial damage assessment, umaabot sa P105.5 milyon ang pinsala sa imprastraktura, habang nasa P3.53 milyon naman ang paunang pinsala sa sektor ng agrikultura.
761 Barangay Apektado
Umaabot na sa 761 barangay ang naapektuhan ng mga nagdaang Bagyong Luis at Maymay, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Social Welfare and Development–Disaster Response Management na ibinahagi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay naman sa datos ng Office of Civil Defense (OCD), nasa 80,605 pamilya o katumbas ng 280,405 katao ang naapektuhan ng dalawang bagyo.
Sa kasalukuyan, nasa 52 evacuation center sa iba’t ibang rehiyon ang 1,734 pamilya o 5,320 katao, habang 458 pamilya o 1,443 katao naman ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kaanak o kakilala.
Ayon sa DSWD, nakalap ang mga datos mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1 hanggang 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5 at Region 9.
Umabot na rin sa P6.37 milyon ang humanitarian assistance na naipamahagi ng ahensya sa mga apektadong pamilya, habang may P6.1 bilyon pa umanong available relief resources.
Hinimok ng OCD ang mga residenteng nasa flood-prone at landslide-prone areas na agad sumunod sa evacuation order ng mga lokal na awtoridad bunsod ng patuloy na malalakas na pag-ulan dahil sa Habagat.
Ayon kay OCD Information Officer Diego Mariano, mahalagang lumikas agad bago pa tumaas ang baha upang maiwasan ang panganib habang isinasagawa ang paglikas.
Samantala, nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na aabot sa 9,096 barangay sa bansa ang lantad sa posibleng pagbaha at landslide.
Nasa 1,997 barangay naman sa Central Luzon ang nasa peligro ng landslide at flooding, habang 1,806 barangay naman sa CALABARZON ang nasa panganib.
May malaking bilang din ng mga barangay na may kaparehong banta ng baha at landslide sa Metro Manila na umaabot sa 1,403. Kabilang dito ang mga barangay sa Maynila, Las Piñas, Makati, Muntinlupa, Parañaque at iba pang lugar.
Habang 707 barangay sa Cordillera Administrative Region at 47 barangay sa Cagayan Valley ang nasa panganib din.
Nasa 113 barangay naman sa MIMAROPA at 90 barangay sa Western Visayas ang maaaring makaranas ng pag-ulan na aabot sa 100 hanggang 150 millimeters.
Suspended Classes
Dahil dito, ilang lugar sa Luzon ang nag-anunsyo na ng suspensyon ng klase para ngayong Lunes, Agosto 10, bunsod ng posibleng malalakas na pag-ulan dulot ng enhanced southwest monsoon o Habagat.
Kabilang sa mga maagang nagdeklara ng suspensyon ang mga sumusunod:
Sa Metro Manila, ang Marikina City ay walang pasok ang lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan.
ILOCOS REGION
Burgos, La Union – lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan.
CENTRAL LUZON
Bulacan – lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan.
Arayat, Pampanga – lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan.
San Fernando City, Pampanga – lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan; shift sa naaangkop na alternative learning modalities.
Nueva Ecija – lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan.
(JESSE RUIZ)
72 