RAPID TESTING SA FRONTLINERS NG LAS PINAS

SUMAILALIM sa rapid testing ang mga health worker at frontliners sa Las Pinas City na nakararanas ng sintomas ng COVID-19.

Pinangunahan ng Las Pinas City Health Office (LPCHO) ang rapid testing sa mga health worker, Barangay Health Emergency team members, mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at iba pang frontliners sa lungsod.

“Sisiguruhin po natin ang kalusugan ng ating mga kababayan laban sa virus, kaya  ang lokal na pamahalaan ay bumili na po ng karagdagang test kits na magagamit sa pag-test ng ating suspected cases, health workers at frontliners sa lungsod,” sabi ni Las Pinas City Mayor Imelda “Mel” Aguilar.

Nabatid na nag-donate si Mayor Aguilar ng kanyang isang taong sahod para gamiting pambili ng 1,000 FDA-approved COVID-19 Rapid Test Kits.

Animnaraang (600) pirasong rapid test kits ang inilaan ng LPCHO para sa mga frontliner ng pamahalaang lungsod.

Ayon naman kay LPCHO chief Dr. Ferdinand Eusebio, may pitong health workers na ang nagpositibo sa COVID-19 matapos ang isinagawang swabbing test sa mga ito habang hinihintay pa ang resulta ng test sa 75 suspect cases na ngayon ay naka-isolate na.

Kahapon inayos na ng mga doktor ng LPCHO ang converted isolation facility na Las Pinas Rehabilitation Center na may kapasidad na 300 beds at gagamitin ng mga suspected cases ng COVID-19. JAY JALBUNA

192

Related posts

Leave a Comment