8.5M GUMAGAMIT NG PWD ID, PEKE – DOJ

NAALARMA ang Department of Justice (DOJ) sa lumobong bilang ng mga indibidwal na umano’y gumagamit ng pekeng identification card ng Persons with Disability (PWD), na tinatayang umabot sa 8.5 milyon sa buong bansa.

Batay umano sa ulat ng National Council on Disability Affairs (NCDA) sa DOJ, hiniling ng ahensya na tutukan at aksyunan ang naturang modus na maaaring magkaroon ng malaking epekto sa ekonomiya.

Ayon kay Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, malayo ang bilang na 8.5 milyon sa opisyal na bilang ng tunay at rehistradong PWD na nasa 2.8 milyon lamang.

Sa naturang bilang, sinabi ni Chan na tinatayang anim na milyon ang may malinaw na discrepancy o iregularidad sa kanilang mga dokumento at impormasyong isinumite, kabilang ang mga medical certificate.

Binigyang-diin ng opisyal na dahil sa talamak na pamemeke at maling paggamit ng PWD ID, malaking halaga umano ang nawawala sa ekonomiya at sa kita ng pamahalaan.

Ang PWD ID ay nagbibigay ng 20 porsyentong diskwento at iba pang pribilehiyo sa transportasyon, restaurants, food outlets at mga botika.

Posible rin umanong maharap sa kaukulang kaso ang sinumang mapatunayang sangkot sa pamemeke o maling paggamit ng PWD ID, kabilang ang mga doktor na nakipagsabwatan umano sa pag-isyu ng pekeng medical certificate.

(JULIET PACOT)

59

Related posts

Leave a Comment