RELIEF ACT PARA SA MGA MANGGAGAWA AT MSMEs SA GITNA NG ENERGY CRISIS, INIHAIN NI VILLAR

INIHAIN ni Senador Mark Villar ang Senate Bill No. 2032 o “Relief and Recovery Interventions for Low-Income Earners, Minimum Wage Earners, Self-Earning Individuals, and Micro, Small, and Medium Enterprises (RELIEF) Act” upang suportahan ang mga apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.

Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), maaaring madagdagan ng hanggang 3.1 milyong Pilipino ang malulubog sa kahirapan dahil sa krisis sa enerhiya.

Layunin ng panukala na magbigay ng tulong sa low-income households, minimum wage earners, self-earning individuals, at micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Kabilang sa mga probisyon nito ang grace period sa pagbabayad ng renta at utang, loan restructuring nang walang karagdagang multa, pagpapalawig ng tax deadlines, at mas malawak na access sa credit assistance.

“Ramdam natin ang pagtaas ng presyo ng langis, ngunit mas mabigat ang epekto nito sa mga minimum wage earners at maliliit na negosyo. Kailangan nating tiyakin na may sapat silang proteksyon at suporta,” ani Villar.

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng agarang aksyon upang matulungan ang mga pinakaapektadong sektor at makabuo ng matibay na social safety net laban sa kasalukuyan at hinaharap na krisis.

“Layunin nating tulungan ang ating mga kababayan at maliliit na negosyo na makabangon sa gitna ng tumataas na presyo at krisis sa enerhiya,” dagdag niya.

(DANNY BACOLOD)

71

Related posts

Leave a Comment