SAMAR – Dead on arrival sa pagamutan ang isang 57-anyos na retiradong pulis matapos pagbabarilin ng lone gunman sa loob ng sabungan sa Barangay San Policarpio, Calbayog City sa lalawigan.
Ayon sa PNP-Police Regional Office 8, nanonood ng sabong ang biktimang si “Noynoy”, residente ng Barangay Monbon, Sta. Margarita, Samar, sa isang cockpit arena sa loob ng Ipao Sports Complex dakong alas-8 ng gabi nang dikitan ng hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril.
Mabilis namang nakatakas ang suspek na namataang nakasuot ng gray na long sleeve at itim na short pants, at baseball cap matapos barilin ng tatlong beses ang biktima sa gawing likuran at nagpaputok pa ng dalawang ulit habang papalayo sa crime scene.
Ayon sa nagrespondeng kagawad ng Calbayog City Police Station, naitakbo pa ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, ang biktima sa Calbayog District Hospital subalit dead on arrival.
Ayon sa PRO 8, limang basyo ng bala mula sa kalibre .45 ang nakuha ng Calbayog City Forensic Unit sa crime scene, isang unfired .45-caliber cartridge, habang nakuha mula sa biktima ang isang .45-caliber pistol na may inserted magazine at dalawa pang magazine mula sa sling bag nito.
Kasalukuyang nakalagak sa St. Peter Funeral Home saa Sitio Talahib, Barangay Trinidad, Calbayog City ang labi ng biktima.
(JESSE RUIZ)
96
