ZAMBOANGA DEL SUR – Tatlong drug personalities kabilang ang isang medical health worker, ang dinakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 (PDEA RO9) sa Barangay Cogon sa lalawigan noong Sabado ng madaling araw.
Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, naaktuhan ng mga tauhan ng Regional Special Enforcement Team (RSET) ang nasabing medical worker at dalawang iba pa sa sinalakay na drug den sa Vincenzo Sagun.
Kinilala ang mga nadakip sa mga alyas na “Bai,” 28; “John”, 19, at “Mel”, 39-anyos.
Sa bisa ng hawak na search warrant, isinagawa ang operasyon, sa pangunguna ng PDEA RO9 RSET, katuwang ang 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army.
Bandang alas-12:15 ng madaling araw nang ipatupad ang anti-narcotics operation sa bisa ng warrant na nagresulta sa pagsamsam sa humigit-kumulang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug value na aabot sa P102,000.
Nasamsam din ng mga awtoridad ang iba’t ibang drug paraphernalia na ginamit sa ilegal na aktibidad.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 6, 7, 11, at 12 ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
89
