Roque, Bantag at Dumlao HIGH-PROFILE FUGITIVES NEXT TARGET NI GEN. TORRE

TARGET ngayon ng Philippine National Police sa pamumuno ni Police General Nicolas Torre III, ang high-profile fugitives.

Nangunguna sa listahan ni Gen. Torre sina dating presidential spokesperson Atty Harry Roque, dating Bureau of Correction chief Gerald Bantag, at dating Police Lt. Colonel Rafael Dumlao III.

Ipinangako ni Torre na tutugisin niya ang iba pang high-profile fugitives, katunayan bago pa siya nanungkulan bilang PNP chief, ay tinatrabaho na niya ang mga ito nang siya pa ang hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Inihayag ng heneral na may leads nang sinusubaybayan ang mga awtoridad partikular kay dating BuCor chief Gerald Bantag na isinasangkot sa pagkamatay ng isang radio broadcaster noong 2022.

“Meron tayong leads regarding that matter kung saan siya nagtatago at tayo ay naglalagay ng resources para siya ay mahanap at maaresto,” pahayag ni Torre sa isang radio interview.

Unang inihayag ni Torre na may binuo na siyang tracker teams na tumutugaygay sa high profile cases, na kumikilos 24/7, kaya hiniling niya kay Atty. Harry Roque at sa mga kapwa nito akusado sa qualified human trafficking, na sumuko na lamang at harapin ang kanilang mga kaso.

“Nakita niyo naman panghuhuling ginagawa natin ‘pag high profile eh — ginagamitan natin ng intelligence talaga at saka kung may resistance eh ‘di talagang ginagamitan din natin ng puwersa para hindi na sila makapalag. At the end of the day, mahuhuli natin sila at mapadala kung saan sila dapat dalhin,” sabi pa ni Torre sa radio interview.

Magugunitang uminit ang pangalan ni Torre nang pangunahan niya ang search and arrest operation laban kay Kingdom of Jesus Christ founder, televangelist Apollo Quiboloy sa Davao City.

At nang hawakan niya ang PNP-CIDG ay siya naman ang namuno sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kay dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na nakakulong ngayon sa The Hague, Netherlands dahil sa kinakaharap na kasong crimes against humanity na nakahain sa International Criminal Court.

(JESSE KABEL RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment