HINDI sinabihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang may 200 congressman na huwag iimpeach si Vice President Sara Duterte sa kanilang fellowship sa Palasyo ng Malacañang noong Miyerkoles ng gabi.
Kapwa ito kinumpirma nina House committee on good government and public accountability chairman Rep. Joel Chua at La Union Rep. Paolo Ortega na kabilang sa 200 congressmen na personal na naghatid kay Marcos ng kanilang inaprubahang resolusyon ng pagsuporta rito.
“Ay wala po. Wala pong napag-usapang impeachment. Nagpunta lang po dun kasama ‘yung ibang congressman at party leaders, binigay lang sa Presidente yung resolusyon na ipinasa ng House expressing full support to the President,” ani Chua.
Ganito rin ang pahayag ni Ortega sa press conference kahapon sa Kamara dahil ang layon umano ng mga ito sa pagpunta sa Malacañang ay para ihatid ang nasabing nasabing resolusyon sa Pangulo.
“Wala po,” ani Ortega nang tanungin kung inulit ang kumalat na text message nito sa ilang kaalyadong mambabatas na huwag ituloy ang impeachment case laban kay Duterte dahil makakagulo lamang ito sa trabaho ng gobyerno.
“Nag acceptance po yung Presidente at siyempre he was very touched. Saka malaking bagay po sa kanya na mag suporta po yung House of Representatives. Pagkatapos po noon dinner na,” dagdag pa ni Ortega.
Bagama’t lahat ng mesa ng mga mambabatas ay isa-isang inikutan ni Marcos, wala pa ring nababanggit sa impeachment case laban kay Duterte taliwas umano sa mga kumakalat sa social media na pinag-usapan ang pagpapa-impeach sa pangalawang pangulo sa naturang pagtitipon.
Sa ngayon ay may dalawang impeachment case laban kay Duterte na nakahain sa Kamara sa kabila ng ‘private message” umano ni Marcos sa kanyang mga kaalyado na hindi ito pabor na maimpeachment ang Bise Presidente.
Maging ang imbestigasyon anya ng komite ni Chua hinggil sa confidential funds ni Duterte ay hindi rin umano nabanggit sa nasabing fellowship.
Samantala, sinabi ni Ortega na nirerespeto umano ng mga ito ang pinaplanong rally ng Iglesia ni Cristo para suportahan ang statement ni Marcos na hindi ito pabor na ma-impeach si Duterte dahil maraming problema ang bansa na dapat unahin.
“Wala naman po yatang religious sector ang gagawa po ng rally sa hindi po ikakaganda ng ating Estado ngayon. So nirerespeto po natin,” ani Ortega. (BERNARD TAGUINOD)
95