MULING isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang panukala para sa pagpapalawig ng mga digital infrastructure sa bansa sa pamamagitan ng satellite-based technologies upang matiyak na magiging konektado ang lahat sa internet.
Alinsunod sa Senate Bill No. 814 o ang Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2022, isusulong ng pamahalaan ang paggamit at pag-develop sa mga satellite services upang matiyak ang universal access sa internet.
Itinuturing na malaking tulong ito sa e-government at sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, kabilang ang edukasyon, kalusugan, kalakalan, pananalapi o pinansyal, kahandaan sa kalamidad, at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Gatchalian, hindi pa naaabot ng Pilipinas ang potensyal nito sa digital technology, lalo na’t wala pang kalahati o 45 percent pa lamang ng mga Pilipino at 74 porsyento ng mga pampublikong paaralan ang hindi pa konektado sa internet, batay sa isang pag-aaral ng The Asia Foundation noong 2019.
Ipinaliwanag ng senador na sa pamamagitan ng satellite-based technology, nagpapadala ang Internet Service Provider (ISP) ng fiber internet signal sa satellite sa kalawakan.
Ang satellite dish ay konektado sa modem ng user upang makakonekta at makagamit ito ng internet.
Pinapayagan sa panukala ang direct access ng mga Value-Added Service (VAS) Providers at mga Internet Service Providers (ISPs) sa lahat ng mga satellite systems upang mapalawig ang mga satellite-based networks.
Pinapahintulutan din ang mga government organizations, public at non-profit private institutions, at mga volunteer organizations na may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, pananalapi, agrikultura, environmental management, climate change management, kahandaan sa sakuna, at pagtugon sa mga krisis upang magpatakbo ng satellite-based technology.
Para naman makatulong sa pagresponde sa mga kalamidad, magiging mandato sa mga local government unit na maglagay ng mga satellite-powered na mga kagamitan para sa komunikasyon tulad ng satellite phones, satellite-powered portable cell sites, at iba pa. (DANG SAMSON-GARCIA)
