SINALUNGAT nina Manila 5th District Rep. Irwin Tieng at Manila Vice Mayor Yul Servo ang mungkahi ni Senador Francis Tolentino na ilipat ang Manila Zoo sa Masungi Georeserve sa Rizal.
Sa panayam, sinabi nina Tieng at Servo na hindi lahat ng mga Manilenyo ay may kakayahang magtungo pa sa Rizal upang bisitahin ang zoo.
Ayon pa sa kanila, ang naturang ideya ay kahalintulad na rin ng pag-aalis sa pribilehiyo ng mga taga-Maynila na ma-enjoy ang zoo na pagmamay-ari ng Maynila at mga naninirahan dito.
Ayon kay Tieng, inaalagaan naman na mabuti ng lokal na pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng hayop sa zoo at lahat din umano ng enclosure ng mga hayop ay pawang upgraded na.
Tiniyak din ni Lacuna na mayroong maayos na water filtration system ang zoo, gayundin ang pagkakaroon ng state-of-the art sewerage treatment plant.
“Lahat ng efforts using modern technology ay ginagawa ng ating lungsod para maayos ang kalagayan ng ating mga hayop. ‘Wag din sana isipin na madumi. Punta po kayo,” pahayag pa ni Tieng.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Servo na hindi na magkakaroon ng kakayahang bumiyahe pa ang Manilenyo papuntang Rizal. Dahil ang iba umano ay nilalakad lamang ang Manila Zoo.
Binigyang-diin ng bise alkalde na maliit pa lamang si Mali nang mapunta sa zoo, at namatay lamang ito matapos na maabot ang maximum lifespan para sa mga elepante.
Taliwas umano ito sa pahayag ni Tolentino, na ang pagkamatay ni Mali ay may kinalaman sa enclosure nito. (JESSE KABEL RUIZ)
