BINIGYAN ng Pilipinas ng pagkakataon ang mga mambabatas mula sa Timog-Silangang Asya na makinig sa isa’t isa, talakayin ang kanilang mga hindi pagkakasundo at maghanap ng mga puntong mapagkakasunduan sa idinaos na ika-47 Pangkalahatang Asembleya ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) sa Maynila.
Sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, pangulo ng AIPA at namuno sa asembleya, sa seremonya ng pagsasara nitong Biyernes na ang kanyang apo ang nagbigay sa kanya ng natatanging paglalarawan sa ugnayan ng mga parliyamento sa rehiyon: “SEAblings,” o magkakapatid sa Timog-Silangang Asya.
“Magkakapatid tayo sa Timog-Silangang Asya. Nagtatalo ang magkakapatid. Hindi sila nagkakasundo at kung minsan ay malakas pa ang kanilang pagtatalo. Ngunit nananatili sila sa iisang hapag dahil alam nilang magkakaugnay sila,” pahayag ni Dy.
Aminado siyang naging mainit ang ilang talakayan sa loob ng linggong pagpupulong, lalo na sa mga burador at paninindigang mahirap pagkasunduan. Gayunman, nanatili aniya ang mga delegado sa talakayan hanggang makahanap ng paraan upang magkasundo.
“Walang umalis sa hapag ng talakayan,” pahayag naman ni Senior Deputy Speaker Ferdinand L. Hernandez, pinuno ng delegasyon ng Pilipinas, sa press conference matapos ang pagpupulong.
Sinabi ni Hernandez na nakatulong ang mga kapwa kasapi ng AIPA upang maipagpatuloy ang pag-uusap sa kabila ng mga tensiyon, at binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na dayalogo.
Ayon naman kay Deputy Speaker Maria Rachel J. Arenas, tagapangulo ng 2026 AIPA Organizing Committee, binigyan ng Pilipinas ng sapat na panahon ang bawat delegasyon upang maipahayag ang kanilang mga alalahanin at maipaliwanag kung paano nakaaapekto ang kanilang mga interes sa buong ASEAN.
Pinuri ni Singapore Parliament Speaker Seah Kian Peng ang Pilipinas at ang mga delegasyon sa pagpapalakas ng harapang pag-uusap sa pagitan ng mga kinatawan ng mga bansa. Aniya, nakatulong ang tatlong araw na pagsasama-sama upang mapalalim ang pag-unawa at tiwala sa isa’t isa.
Sinabi naman ni H.E. Tan Sri Dato’ Dr. Johari bin Abdul, Speaker ng House of Representatives ng Malaysia at pinuno ng delegasyon nito, na nakasalalay ang halaga ng asembleya sa paggalang sa isa’t isa at maayos na paglutas sa mga usapin.
Hinimok din niya ang mga mambabatas na ipagpatuloy sa kani-kanilang pamahalaan ang mga napag-usapan sa pagpupulong.
Samantala, sinabi ni Maria Fernanda Lay, pangulo ng Pambansang Parliyamento ng Timor-Leste, na maibabahagi ng kanilang bansa ang mga aral na natutuhan sa pakikipagnegosasyon sa Australia hinggil sa hangganang pandagat at sa pakikipag-ugnayan sa Indonesia.
Ibinahagi rin niya ang pagbabago sa ugnayan ng Timor-Leste at Indonesia, kung saan nagbabahaginan na ngayon ng pagkain sa hangganan ang mga puwersa ng dalawang bansang dating magkatunggali.
(TINA MENDOZA)
31 