DAPAT BANG BIGYAN NG MALISYA?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA gitna ng umiinit na sigalot ng Pilipinas at China dahil sa usapin ng teritoryo, tila kahit iyong simpleng pagpili ng awitin ay maaari nang pagmulan ng kontrobersiya.

Ito ang nangyari nang piliin ng China ang klasikong awiting Pilipino na “Anak” bilang tugtog sa pagpasok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa red carpet sa gala dinner ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China.

Inintriga ito ng ilang netizens na nagbigay ng samu’t saring haka-haka sa social media. May mga nagtatanong kung bakit “Anak” ang napiling awitin, lalo’t ang mga liriko nito ay tungkol sa isang anak na hindi nakinig sa payo ng mga magulang, naligaw ng landas at nagsisi sa bandang huli.

May mga nagpalagay na maaaring may nakatagong mensahe ang pagpili sa kanta. Ngunit may sapat bang batayan upang bigyan ito ng ganitong interpretasyon?

Ang “Anak,” na pinasikat ni Freddie Aguilar, ay isa sa pinakakilalang awiting Pilipino sa buong mundo, ayon mismo kay Pangulong Marcos. Naisalin ito sa 51 wika at kinikilala sa iba’t ibang bansa.

Sa press briefing kasama ang mga mamamahayag na Pilipino bago ang kanyang pagbabalik sa Maynila, hindi nagbigay ng negatibong interpretasyon ang Pangulo sa pagpili ng China sa awitin. Sa halip, inilarawan niya ito bilang isang “napakainit at taos-pusong pagpapakita ng paggalang.”

“It was a very good choice,” ani Marcos, na nagsabing napakaganda at napakagalang ng naging pagpili ng mga tagapag-organisa ng China.

Binanggit din niya na tinugtog ang “Leron-Leron Sinta” sa naturang gala dinner. Isa-isang sinalubong ng mga awiting mula sa kani-kanilang bansa ang mga lider ng APEC. Tinugtog ang “Sukiyaki” para sa Punong Ministro ng Japan na si Sanae Takaichi at “America the Beautiful” naman para kay US President Donald Trump.

Sa konteksto ng programa, maaaring ituring ang pagpili sa “Anak” bilang pagkilala sa musikang Pilipino, gaya ng mga awiting pinili para sa iba pang lider. Hindi nangangahulugang dahil may malalim na mensahe ang isang kanta ay iyon na rin ang intensyong nais iparating ng mga pumili nito.

Totoong sensitibo ang relasyon ng Pilipinas at China dahil sa hindi pagkakasundo sa West Philippine Sea. Dapat manatiling mapanuri at matatag ang bansa sa pagtatanggol sa soberanya at karapatan nito. Ngunit hindi nangangahulugang kailangang pagdudahan ang bawat kilos ng kabilang panig, lalo na kung walang malinaw na ebidensiyang may nakatagong patutsada sa likod nito.

Huwag nang gatungan, ika nga.

Ang pagpapalawak ng mga haka-haka tungkol sa ganitong pangyayari ay maaaring magpalalim lamang sa pagdududa at galit ng publiko. Sa halip na makatulong sa pag-unawa sa tunay na mga usapin sa pagitan ng dalawang bansa, maaari pa itong magdagdag ng tensyon at makaapekto sa pagtingin ng kanilang mamamayan sa isa’t isa.

Hindi kailangang isuko ang pagiging mapanuri upang kilalanin ang isang posibleng magandang pakikitungo dahil ang pagtatanggol sa pambansang interes ay nangangailangan ng matibay na paninindigan at pagsusuri batay sa katotohanan, hindi ng walang patumanggang paghihinala.

33

Related posts

Leave a Comment