ISINUSULONG ni Senator Mark A. Villar ang pagbibigay ng diskwento at pag-aalis ng ilang bayarin sa mga dokumentong kailangan sa pag-aaplay ng trabaho upang mabawasan ang gastusin ng mga kapos sa buhay na naghahanap ng hanapbuhay.
Nakapaloob ito sa Senate Bill No. 1272 o ang panukalang Kabalikat sa Hanapbuhay Act, na naglalayong gawing mas abot-kaya ang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento ng mga kwalipikadong aplikante.
“Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan ng badyet ng ating mga kababayang naghahanap ng trabaho. Sa pamamagitan ng panukalang ito, nais nating mabawasan ang kanilang gastusin sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento upang mas makapagpokus sila sa paghahanap ng trabaho at pagsisimula ng kanilang kabuhayan,” ani Villar.
Ayon kay Villar, nabuo ang panukala mula sa kanyang pakikipag-usap sa mga aplikante sa buwanang MARKAbuhayan Job Caravan, kung saan personal niyang narinig ang mga problemang pinansyal ng mga naghahanap ng trabaho sa pagkuha ng mga dokumentong hinihingi ng mga employer.
Aniya, dagdag-pasanin sa mga pamilyang kapos sa kita ang pagbabayad para sa mga clearance, sertipiko at iba pang dokumento ng pamahalaan, kahit nagsisikap lamang silang makahanap ng trabaho at mapabuti ang buhay ng kanilang pamilya.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 20 porsyentong diskwento ang mga kwalipikadong indigent job seeker na nag-aaplay ng trabaho sa loob o labas ng bansa para sa mga bayarin sa barangay clearance, NBI clearance, National Police Clearance, medical certificate, PSA birth at marriage certificate, TESDA National Certificate at Certificate of Competency, Certificate of Civil Service Eligibility, at iba pang dokumentong hinihingi ng mga employer na isasama sa saklaw ng panukala.
Iminumungkahi rin nitong alisin ang mga bayarin sa pagkuha ng Tax Identification Number (TIN) mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), gayundin ang mga bayad para sa transcript of records, transfer credentials, authenticated copy ng diploma at Certificate of Good Moral Character mula sa mga state university and college at local university and college.
Upang maging kwalipikado, kailangang walang mapagkukunan ng kita ang aplikante, kumikita nang mas mababa sa opisyal na poverty threshold, o hindi kayang tustusan nang tuluy-tuloy ang mga pangunahing pangangailangan.
Magbibigay nang libre ang kinauukulang lokal na tanggapan ng social welfare ng Certificate of Indigency bilang patunay ng pagiging kwalipikado. Awtomatikong ituturing namang indigent ang mga miyembro ng sambahayang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Maaari lamang gamitin ang mga benepisyo isang beses kada anim na buwan sa bawat ahensya ng pamahalaan. Hindi rin saklaw ng panukala ang mga first-time job seeker na nakikinabang na sa Republic Act No. 11261 o First Time Jobseekers Assistance Act.
Nagtatakda rin ang panukala ng sistema ng pagsubaybay sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Public Employment Service Offices, katuwang ang mga lokal na tanggapan ng social welfare at ang PhilJobnet ng Department of Labor and Employment (DOLE).
May nakapaloob ding mga parusa sa mga kawani ng pamahalaan na labag sa batas na tumatangging magbigay ng Certificate of Indigency o magkaloob ng mga benepisyo, gayundin sa mga aplikanteng magsusumite ng pekeng dokumento o aabuso sa pribilehiyo.
Magkakaroon din ng inter-agency committee at congressional oversight upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng panukala.
Binigyang-diin ni Villar na layunin nitong matulungan ang mga Pilipinong nagsisikap makahanap ng marangal na trabaho at matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya nang hindi nadaragdagan ang kanilang pinansiyal na pasanin.
Umaasa ang senador na sa pagsasabatas ng Kabalikat sa Hanapbuhay Act ay mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong makahanap ng matatag na hanapbuhay at makapagbigay ng mas magandang kinabukasan sa kanilang pamilya.
(DANNY BACOLOD)
61 