EXTRADITION PETITION VS QUIBOLOY POSIBLENG MAIHAIN BAGO NOBYEMBRE

NASA huling yugto na ng pagsusuri ng legal team ng Department of Justice (DOJ) ang extradition petition laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy, na inaasahang maisusulong bago matapos ang Nobyembre.

Ito ang kinumpirma ni DOJ Chief State Counsel Arvin Chan nang tanungin sa regular press briefing hinggil sa estado ng extradition request ng United States kaugnay ng mga kasong kriminal na kinakaharap ng pastor.

Ayon kay Chan, patuloy na bineberipika ng kagawaran ang karagdagang impormasyong mula sa Amerika upang matiyak na tama at sapat ang mga factual allegation na ilalakip sa petisyon bago ito ihain sa korte.

Sinabi ni Chan na mahalagang masiguro ang katumpakan ng mga detalyeng ilalahad sa hukuman upang maging maayos ang paghahain ng extradition petition.

Umaasa ang DOJ na makapagbibigay ito ng panibagong update bago matapos ang Nobyembre hinggil sa pag-usad ng proseso.

Gayunman, hindi ito ang unang pagkakataong nagtakda ang kagawaran ng target na panahon para sa paghahain ng petisyon.

Noong Setyembre, sinabi ni Justice Secretary Frederick Vida na layunin ng DOJ na matapos ang pagsusuri sa extradition request sa loob ng dalawang linggo.

Pagsapit naman ng Oktubre, sinabi muli ni Vida na nasa huling yugto na ng pagsusuri at legal scrubbing ng mga dokumento ang kagawaran.

(JULIET PACOT)

60

Related posts

Leave a Comment