RAPIDO ni PATRICK TULFO
NASA sentro na naman ng kontrobersiya si Sen. Robinhood “Robin” Padilla matapos na paliguan nito ng papuri ang kontrobersiyal na ngayong Chinese Ambassador na si Jing Quan.
Nagkita kasi sa ASEAN – Chinese Business Leaders’ Summit ang dalawa kung saan mga panauhin silang pandangal.
Sa isang panayam, pinuri ng senador ang Chinese ambassador at tinawag itong edukado, maginoo at diretsong kausap.
Pero nang tanungin ng media kung napag-usapan ba nila ang kontrobersiyal na pahayag ng Chinese ambassador, ang sagot nito ay hindi natapos ang pag-uusap nila dahil nagsimula na ang event.
Ang katanungan ng marami ay paano napuri ni Padilla ang Ambassador kung lumalabas na naging maikli lang kanilang naging pag-uusap?
Sinabi pa ni Padilla sa naturang panayam na hindi siya naniniwala na isang pananakot sa bansa ang sinabi ni Ambassador Jing Quan.
Pero bakit kaya hindi sinamantala ng senador ang pagkakataon upang imbitahan ang ambassador sa Senado para makausap ito ng mga kapwa niya mambabatas at magkaroon ng kalinawan kung ano ba ang kahulugan ng mga pahayag nito.
Naging daan na sana ito upang mapahupa ang lumalalang tensiyon sa pagitan ng ambassador at ng ilang opisyales ng gobyerno.
Sinayang ni Sen. Padilla ang pagkakataon upang maging taga-pamagitan sa isyung ito at naging bida pa sana siya.
Samantala, hindi naman naging maganda ang reaksyon ni Philippine Coast Guard Rear Admiral Jay Tarriela sa mga papuri ni Sen. Padilla kay Amb. Quan.
Nagpasaring pa ito na tila yata sobrang close ang senador sa Chinese ambassador kaya kilalang-kilala niya ito.
Inihalintulad naman ni Tarriela sa isang armadong magnanakaw ang aming tanong na baka naman masyado lang tayong sensitibo kaya mali ang interpretasyon natin sa pahayag ni Quan.
Sabi ni Admiral Tarriela, maikukumpara sa isang armadong magnanakaw ang pahayag ni Quan kung saan sinabi nito na may baril siya pero hindi niya gagamitin pero patuloy ka pa ring nanakawan.
62 