MAGLALAAN ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ng P100 milyon para palakasin ang produksyon ng asin sa bansa.
“Para sa taong 2022 isinusulong ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang paglalaan ng pondo sa halagang P100 million,” ayon kay BFAR Chief Information Officer Nazzer Briguera.
“Ilalaan po ito para mas mapalawak ‘yung industriya ng asin sa ating bansa at masiguro ang tuloy tuloy at sapat na supply po nito,” dagdag na pahayag ni Briguera.
Gagamitin din ang nasabing halaga para palakasin ang kapasidad o kakayahan ng salt makers sa bansa.
“Within 2022 maisasakatuparan ang mga mekanismo sa ilalim ng pondong ito upang matulungan ang salt industry,” ani Briguera.
Nauna rito, isiniwalat ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang plano ng administrasyon para paghusayin ang salt production sa bansa.
Sa isang kalatas, sinabi ng Office of the Press Secretary (OPS) na ang Department of Agriculture, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mangunguna sa usaping ito kasama ang ilang ahensya ng gobyerno. (CHRISTIAN DALE)
