NEPOMUCENO PINURI MGA BOC PORT NA LAMPAS SA TARGET COLLECTION

PINAPURIHAN ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mga collection district ng Bureau of Customs na lumampas sa itinakdang revenue targets mula Enero hanggang Abril 2026.

Ayon kay Nepomuceno, ipinapakita nito ang patuloy na dedikasyon ng Aduana sa revenue generation, trade facilitation at operational efficiency alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Kabilang sa mga pantalan na lumampas sa cumulative revenue targets ang Manila International Container Port na nakakolekta ng ₱78.994 bilyon, Batangas na may ₱79.615 bilyon, Cebu na may ₱16.473 bilyon, Davao na may ₱17.730 bilyon, at Subic na may ₱19.683 bilyon.

Kasama rin sa mga lumampas sa target ang NAIA, Legazpi, Iloilo, Tacloban, Surigao, Cagayan de Oro, Clark at Aparri collection districts.

Para naman sa Abril 2026 lamang, lumampas din sa kani-kanilang revenue targets ang MICP, NAIA, San Fernando, Batangas, Iloilo, Surigao, Cagayan de Oro, Davao, Subic, Clark at Aparri.

Binigyang-diin ni Nepomuceno na ang tagumpay ng mga pantalan ay bunga ng disiplina, pagtutulungan at dedikasyon ng mga tauhan ng Aduana.

“Ang mga tagumpay na nakikita natin ngayon ay bunga ng pagsusumikap, disiplina, at sakripisyo ng ating mga tauhan sa lahat ng 17 pantalan sa buong bansa,” ani Nepomuceno.

Hinimok din nito ang lahat ng collection districts na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng collection efficiency, lawful trade facilitation at institutional reforms sa ilalim ng Integrity, Accountability, and Modernization o IAM agenda ng Bureau.

(JESSE RUIZ)

109

Related posts

Leave a Comment