SINO ‘MANOK’ NI BBM PARA MAMUNO SA MAHARLIKA INVESTMENT COUNCIL?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

WALANG kaabog-abog na inanunsyo ng Malakanyang noong isang araw na sinuspinde ni Pangulong Bongbong Marcos ang implementasyon ng IRR o implementing rules and regulations ng Maharlika Investment Fund (MIF) Act of 2023.

Ang memorandum circular ay mula sa Office of the Executive Secretary.

Pero nitong Huwebes, bago tumulak patungong Saudi Arabia si Marcos, Jr., sinabi nito na naalarma siya at nabigla sa balita.

Ibig ba niyang sabihin, hindi niya alam ang inilabas na memorandum circular ng kanyang Executive Secretary na si Lucas Bersamin?

Ang dami nang teorya at haka-haka sa social media kung ano ba talaga ang totoong dahilan at laban-bawi si Marcos sa Maharlika gayung atat na atat siya rito noon.
May nagsabing baka natunugan na hindi ito papasa sa Supreme Court kaya inunahan na.

Nanggagalaiti naman si Cong. Joey Salceda sa kanyang radio interview kahapon ng umaga. Overthink daw ang mga taong pinalalabas na pinahinto ni BBM ang implementasyon ng Maharlika Fund dahil nanganganib ang pondo ng DBP at Landbank. Nasa P50 bilyon ang inilagak na puhunan ng Land Bank habang P25 bilyon naman sa DBP.

Ang sabi ni Salceda, hindi problema ang capitalization sa MIF.

Naniniwala ba kayo?

Aniya, ang talagang dahilan ng suspensyon ay hindi nakita ni Presidente sa listahan ‘yung pangalan ng taong gusto niyang mamuno sa MIF Corp.

Akala ko ba didistansya si BBM sa MIF para mapanatag ang taumbayan na nagdududang mawawaldas lang ang pondo niyan?

Sabagay, noong una pa lang sinabi nang si Marcos ang magtatalaga ng board of directors na mangangasiwa sa mga investment na papasukin ng gobyerno sa pamamagitan ng MIF kaya nga marami ang duda.

Kung eksperto ang napipisil ni BBM na mangasiwa ng Maharlika Fund, bakit hindi ito kasama sa listahang isinumite sa kanya?

Hindi lang pala ang kontrobersyal na VIP sa Commonwealth ang palaisipan ngayon, nadagdagan pa ng ‘manok’ ni BBM sa Maharlika Investment Council.

Wa epek ang rice price cap

TUMULIN ang pagtaas ng presyo ng bigas sa 14 taon, sa kabila ng ipinatupad na hangganan sa presyo ng regular milled at well-milled rice noong isang buwan, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Naitala ng bigas ang 17.9 percent inflation rate nitong Setyembre, mula sa 8.7 percent noong Agosto.

Ito ang pinakamataas mula nang umapaw ang rice inflation sa 22.9 percent noong Marso 2009, ayon kay National Statistician Dennis Mapa.

Itinuturo ang bigas na pangunahing dahilan o nagtulak para sa mas mataas na food inflation rate na 10 percent noong Setyembre mula sa sinundang buwan na 8.2 percent. Ang bigas ay mayroong 8.87 percent na bigat sa pangkalahatang inflation rate.

Ang price cap na itinakda noong Setyembre 5 at tinanggal nitong Oktubre 4 ay para tugunan ang tumataas na presyo ng bigas.

Wala namang nangyari. Gumastos lang ang gobyerno sa subsidiya sa mga apektadong rice retailer pero lupaypay pa rin ang publiko sa pagtatangkang maabot ang presyo. Parang tinapalan lang ang siwang, ngunit hindi tiningnan kung kaya pang isalba.

Sablay na programa kaya walang humpay ang hinaing ng karamihan. Bigas nga ang inuunang bilhin ng mamamayan. Sabi nga, kapag mayroon nang bigas, bahala nang dumiskarte ng ulam.

Ang halaga ng bigas ay binibigyan ng importansya kahit sa paboritong usapan ng mga laklakero. ‘Di bale raw matapon ang bigas, ‘wag lang ang inumin. Napupulot ang natapong bigas pero ang alak na naligwak ay hihigupin na ng lupa. Of course, parte ng katuwaan lang ‘yan.

208

Related posts

Leave a Comment