ISA ang tiyak mamantsahan sa pagsasagupa ng De La Salle University Green Archers at National University Bulldogs sa UAAP Season 84 men’s basketball tournament, ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Parehong panalo sa kanya-kanyang unang laban ang Archers at Bulldogs ngunit isa lang ang mananatiling imakulada matapos ang inaabangang paghaharap nila sa alas-4 ng hapon.
Sa opening day noong Sabado, nanaig ang La Salle laban sa University of the East Red Warriors sa iskor na 71-66. Bumida si Deschon Winston sa kanyang 22 points, walong rebounds at dalawang steal, kumana si Justine Baltazar ng double-double 12 markers at 11 rebounds, habang may 11 points si Evan Nelle.
Naungusan naman ng NU ang Adamson University Soaring Falcons, 71-69. Pumoste si Ernest John Felicilda ng 14 points, tig-apat na rebounds at assists, at dalawang steals sa naturang panalo.
Samantala, mas mauuna ang pagtatapat ng University of the East Red Warriors at Adamson University Soaring Falcons sa alas-10 ng umaga, na susundan ng match up sa pagitan ng Ateneo Blue Eagles at FEU Tamaraws sa ala-1 ng hapon.
Main game naman ang University of the Philippines Fighting Maroons at University of Santo Tomas Growling Tigers sa alas-7 ng gabi.
Hindi pinalad ang Fighting Maroons sa unang pakikipagtipan sa Ateneo de Manila University Blue Eagles, 81-90, habang bigo rin ang Growling Tigers sa Far Eastern Tamaraws, 51-76. (ANN ENCARNACION)
88