HINDI magpapaapekto ang prosecution team ng Mababang Kapulungan sa survey ng Pulse Asia na nagsasabing singkwenta porsyento sa mga respondent ay hindi sang-ayon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Paniniwala ito ni Mamamayang Liberal (ML) party-list representative-elect Leila De Lima na inaasahang makakasama sa 11-kataong prosecution panel matapos siyang imbitahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasama si incoming representative Atty. Jose Manuel Tadeo ‘Chel’ Diokno ng Akbayan party-list, na maging bahagi ng prosekusyon na maglilitis kay Duterte sa impeachment court.
“Wala po,” ani De Lima nang matanong sa isang panayam kung makakaapekto sa prosecution team ang nasabing survey kung saan umaabot sa 50 porsyento sa 1,200 respondent ang hindi sang-ayon habang 28 porsyento ang sang-ayon at ang natitirang 22 porsyento ay walang desisyon.
“Para sa akin, and I think ganun, hindi siguro, I would assume ganun din siguro ang nasa isipan ng iba pang miyembro ng prosecution panel na hindi po kami magpapadala sa survey na ganyan,” hinayag ng dating senadora.
Wala aniya itong ipinagkaiba sa nakaraang eleksyon kung saan marami sa mga senatorial candidate ang pirming nangunguna sa survey subalit pagdating ng araw ng halalan ay natalo ang mga ito.
Naniniwala din ang bagong halal na mambabatas na magbabago ang pananaw ng mga tao kapag nailatag na ang mga ebidensya laban kay Duterte sa pitong artikulo ng impeachment complaint na isinampa ng Mababang Kapulungan.
“Tingin ko dito sa impeachment, kailangang lang makita, malaman ng mga tao during the presentation of evidence kung gaano kalakas yung mga ebidensya. Siguro kung malakas ang ebidensya magbabago ang kaisipan ng ilan o karamihan,” paliwanag ni De Lima.
Posible aniya na walang kamalayan ang mga hindi sang-ayon sa impeachment case laban kay Duterte at gaano kahalaga ang prosesong ito para mapanagot ang mga opisyales ng gobyerno sa kanilang mga pagkakasala.
“Sa tingin ko dahil wala silang gaanong kamalayan. Unang una kung gaano kahalaga yung impeachment, accountability, yung prinsipyo ng accountability of public officers kaya nga may impeachment,” dagdag pa nito.
(BERNARD TAGUINOD)
