Task Force Manila Shield binuhay MGA MILITANTANTENG GRUPO, PRO-DUTERTE RALLYISTS SASABAY SA SONA NI PBBM

INAASAHANG magmimistulang military garrison ang paligid ng Batasan Complex na pagdarausang ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lunes dahil sa pagdaragdag pa ng puwersa ng Philippine National Police bukod sa inilaang augmentation forces ng Armed Forces of the Philippines.

Tatlong araw bago ang SONA ni PBBM, binuhay ang task Force Manila Shield para maselyuhan ang mga hangganang papasok at palabas ng Metro Manila.

Agad namang nilinaw ni PNP-National Capital Regional Police Office Director Major General Jose Melencio Nartatez na hindi masasabing overkill ang pagdaragdag nila ng isang libong pulis sa lawak ng binabantayan at laki ng kaganapan.

Nabatid na itinaas ng NCRPO sa 23,000 ang puwersa ng mga pulis na magbabantay para sa ikatlong SONA ni Pangulong Marcos Jr., na hinugot mula sa PNP Region 3 at 4A.

Paliwanag ng heneral, bukod sa pagtiyak sa kaligtasan ni PBBM ay kasama sa mga pangangalagaan ng PNP, kasama ang kanilang mga force multipliers, mga elemento mula sa Presidential Security Groups at maging ng military, ang 2,000 VIPs na dadalo sa SONA.

Bukod pa ito sa inasahang libo-libong pro at anti-administration rallyists na magtitipon-tipon malapit sa Batasan Complex.

Una nang nagpahayag ang grupo ng Bagong Alyasang Makabayan o BAYAN na aabot sa sampung libo ang sasama sa people SONA sa Lunes sa Commonwealth Avenue, habang sampung libong pro-Marcos din ang inaasahan na magtitipon-tipon sa Commission on Audit (COA) -Sandigan-Commonwealth Area.

Ayon kay Nartatez, hindi pa kasama rito ang inaasahang pagdagsa ng libong tao na sinasabing tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Simula bukas ay inaasahang itatasas ng PNP sa full alert status ang kanilang buong puwersa habang handa namang magbigay ng suporta ang military kung kakailanganin ang augmentation force.

Sinabi pa ni Nartatez, kung tutuusin ang 23,000 na pwersa ng gobyerno ay kulang pa para tapatan ang iba’t ibang mga grupo na may kanya-kanyang aktibidad sa Lunes.

Kaugnay nito, sa pagpapa-iral muli ng Task force Manila Shields ay maglalagay ng mga choke point at border control ang pulisya sa mga hangganang ng kalapit na mga probinsya ng Metro Manila mula hilaga at katimugang bahagi ng Luzon.

Maglalatag ng mga checkpoint sa Metro Manila upang higit na mabantayan ang mga papasok at lalabas ng kalakhang Maynila katuwang ang augmentation forces mula sa Police Regional Office 4A o CALABARZON at Police Regional Office 3 o Central Luzon.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, maximum tolerance ang utos ni PNP chief, General Francisco Marbil na pairalin ng mga pulis laban sa mga magsasagawa ng kilos-protesta.

Subalit muling nagbabala ang pulisya na aarestuhin ang mga raliyistang magsusunog ng effigy sa araw ng ikatlong SONA ng Pangulo o sinomang magsasagawa ng karahasan.

Ayon kay Col. Jean Fajardo, malinaw na paglabag sa Section 13 ng Batas Pambansa (BP) 880, ang pagsusunog ng anomang bagay sa lansangan o public place.

Samantala, tiniyak ng PNP hindi nila paglalapitin ang pro at anti-government protesters.

Ang anti- government demonstrators ay hanggang sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at Tandang Sora Avenue lamang papayagan habang ang mga pro-administration rallyists ay hanggang sa Commission on Audit lang pwede magsagawa ng kanilang aktibidad. (JESSE KABEL RUIZ)

283

Related posts

Leave a Comment