BUKOD kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang pamunuan ng simbahan ng Itim na Poong Nazareno sa Quiapo ay sumang-ayon din na huwag nang ituloy ang Traslacion sa Enero 9, 2021 dahil banta ng COVID-19 pandemic.
“Nakikisuyo po ako, iwasan po muna natin ang mga parada at prusisyon ngayong may pandemya dulot ng sakit na COVID-19. Maaari pong mapahamak ang ating mga deboto, mailagay sila sa alanganin,” pahayag ng alkalde.
“Maging conservative po tayo sa paggunita ng mga prusisyon. There are things that we cannot control pero pwede maiwasan. Kung libo-libo ang pupunta sa prusisyon, isa lang sa kanila ang maimpeksyon, tapos magkakadikit-dikit pa sila, pinagpapawisan, nagkakalat na droplets ng laway, delikado po iyan,” dagdag ng alkalde.
Ayon naman kay Quiapo Church Rector Monsignor Hernando Coronel, magsasagawa na lamang sila ng maraming misa para sa mga deboto.
“Nagpapasalamat kami sa pagkakataon na narinig ang aming presentasyon para sa Traslacion 2021, at ang mangyayari, napagkasunduan ay hindi matutuloy ‘yung Luneta to Quiapo na may andas na prusisyon. Hindi po matutuloy iyon,” pahayag ni Monsignor Coronel.
Nabatid pa na ang mangyayari sa Enero 8 ay tuloy-tuloy na misa, at ang mga bikaryo ay ilalagay sa canopy sa labas ng simbahan.
Gayunman, inamin ng Monsignor na siya ay naluiungkot sa kanselasyon ng traslacion pero dapat na sumunod ang simbahan at publiko sa health protocols.
“‘Yung physical distancing, kailangan naka-face shield, naka-face mask, kasama ang regular monitoring ng body temperature, lahat ‘yun susundin natin. Hindi lamang ito sa loob ng simbahan, pati na rin sa labas,” dagdag pa ni Coronel.
Pinasalamatan naman ni Monsignor Coronel ang alkalde dahil sa patuloy na pagsuporta nito sa simbahan. (RENE CRISOSTOMO)
181 