TULUY-TULOY NA PAGHAHATID NG LIWANAG

NAGSISIMULA pa lang na lumuwag ang quarantine protocols mula nang ipatupad ang Alert Level 1, panibagong pagsubok na naman ang dulot ng kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine na malaki ang epekto sa paglipad ng presyo ng langis.

Noong mga nakaraang linggo, tumaas nang higit 100 porsyento sa $130 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Nagkaroon ito ng domino effect sa lokal na presyo, lalo’t ang Pilipinas ay “net importer” o tagabili ng produktong langis. Nitong ika-15 ng Marso, tumaas na nang halos P20.35 ang kada litro ng gas, samantalang P30.65 naman ang itinaas ng presyo ng kada litro ng diesel, at P24.90 sa kerosene.

Napakalaking pagsubok nito sa ating ekonomiya na kasalukuyang bumabangon dahil sa laki ng kontribusyon ng fuel costs sa lokal na inflation rate. Nagsisimula nang magtaas ng presyo ang commodities dahil sa laki ng patong ng gastos sa transportasyon. Ang mga industriyang nakasalalay sa langis ay sigurado rin na magtataas ng presyo ng kanilang mga produkto.

Hindi ligtas dito ang industriya ng kuryente, lalo na kung ang distributors ay kumukuha ng ­kuryente mula sa generation companies na gumagamit ng ­langis at coal. Ayon sa Department of Energy, magtataas ng pandaigdigang coal prices kaya magtataas ang presyo ng ­kuryente sa Mayo. Ayon din sa Meralco, ang pinakamalaking electric distribution utility sa bansa, ang presyo ng Malampaya natural gas ay alinsunod sa world oil price market kaya’t malaki ang posibilidad na tataas ang presyo nito.

Gayunman, ilang beses na idineklara ng Meralco na isinasapuso nito ang mandatong magbenta ng kuryente sa least cost o pinakamababang presyo, at may proven track record ang ­kumpanya rito. Nitong buwan lang ay nagpatupad muli ng dagdag na P0.19/kWh na refund ang ­Meralco, kabilang sa Distribution Rate True-up Refund na nagsimula noong isang taon pa. Sa kabuuan, P0.47/kWh na ang matatanggap na refund ng customers nila sa loob ng isang taon. Malaki ang naitulong nito sa pagpapababa ng dagdag singil na umabot sa P0/.06/kWh na lamang.

Isang dekadang pababa ang presyo ng kuryente Noong 2011, ang average na presyo ng Meralco sa mga kumokonsumo ng 200kWh ay P9.14/kWh. Ang presyo ng ibang goods at commodities ay nagsitaasan na kumpara nitong taon na ito. Pero sa Meralco, kabaligtaran ang nangyari, lalo pang bumaba ang presyo ng kuryente.

Sampung taon ang nakalipas, nitong 2021, ang average rate ng Meralco ay nasa P8.24/kWh na lamang, 10% na bagsak sa loob ng isang dekada. Sa pagbubukas ng bagong taon, dalawang sunod na buwan na bagsak presyo pa ang ipinatupad ng kumpanya, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Malaking tulong ang mahusay na pag-manage at pagbalanse ng Meralco sa kanilang energy supply portfolio. ­Nakadagdag pa rito ang ilan sa mga bago nilang power supply agreements (PSAs) na nakuha sa pamamagitan ng bidding.

34% ng suplay ng ­Meralco ay galing sa natural gas ng Malampaya na nitong mga nakaraang buwan ay patuloy na nababawasan. Ayon sa pag-aaral, tuluy-tuloy na ang sitwasyong ito at kinakailangan na mas madalas magpatakbo gamit ang mas mahal na liquid fuel. Kaya naman para maiwasan ang ganitong sitwasyon, nagsimula nang maghanap ang Meralco ng ibang generation companies na magsisilbing kapalit. Bidding din ang makakapagsabi kung anong genco ang may pinakamababang presyo. (MAY KARUGTONG)

119

Related posts

Leave a Comment