KINUMPIRMA ni Deputy Speaker Janette Garin na tuluyan nang nag-fold ang Infrastructure Committee (InfraCom) ng Mababang Kapulungan na nag-imbestiga sa flood control anomalies, matapos mabuo ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa ilalim ng EO 94 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Nag-usap-usap na ang mga lider ng Kamara at dahil nandiyan na yung ICI, the InfraCom has to fold. Kailangan na siguro itong tapusin. Yun ang direction,” pahayag ni Garin sa isang online interview.
Ang InfraCom ay binuo sa pamamagitan ng resolusyon at pinagsamang tatlong House panels — Public Accounts, Good Government and Public Accountability, at Public Works. Layunin nitong busisiin ang flood control projects na inilahad mismo ni Marcos Jr. sa kanyang SONA bilang pugad ng katiwalian.
Sa dalawang pagdinig, mahigit isang dosenang mambabatas ang isinabit ng kontratistang mag-asawa na sina Pacifico “Curlee” at Rowena Cesarah Discaya, kabilang sina dating Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Garin, lahat ng dokumento at ebidensyang nakalap ng InfraCom ay ipapasa sa ICI para ituloy ang mas malalim na imbestigasyon.
“Nakita na rin kasi kung saan nangyari ang oportunidad para doon sa mga oportunista,” ani Garin, na tumangging tukuyin ang detalye pero tiniyak na handa ang Kamara na makipagtulungan.
“That being said, our role will now be to fully cooperate. Kung merong kakailanganing dokumento, impormasyon, o tao mula sa Kongreso, the House of Representatives will fully support this,” dagdag pa ng mambabatas.
Pero giit ni Garin, hindi titigil ang Kamara sa paggawa ng mga panukalang batas para maiwasan ang future corruption, hindi lang sa flood control kundi sa lahat ng public infrastructure projects.
(BERNARD TAGUINOD)
