DRAINAGE MASTER PLAN NG MAYNILA IPINASA NI ISKO SA MALACAÑANG

IPINAGKATIWALA na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Drainage Master Plan ng lungsod nitong Setyembre 18, 2025, bilang ambag ng Maynila sa laban kontra pagbaha.

Sinimulan ang plano noong 2021, sa unang termino ni Domagoso bilang alkalde, at natapos bago siya muling bumalik sa City Hall ngayong 2025. Ayon sa alkalde, ito ay isang scientific at technical framework para maresolba ang paulit-ulit na problema sa pagbaha sa kabisera.

Bukod dito, iniabot din ni Domagoso sa Pangulo ang operations plan para sa darating na September 21 mass protests sa Maynila. Tinaguriang “Oplan Pagmamahal sa Bayan,” nakapaloob dito ang:

Paglalagay ng Incident Command System

Mobilization ng health, disaster response, traffic at public service personnel

Koordinasyon sa Manila Police District (MPD) para tiyakin ang balanse ng karapatan ng nagpoprotesta at kaligtasan ng publiko

Tugon naman ni Marcos Jr., ipina-coordinate niya ang Drainage Master Plan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) para maisama agad sa national flood control efforts.

“Rest assured that the City Government of Manila stands ready to work with your administration in pursuit of sustainable development and the well-being of our people,” ani Domagoso.

Naganap ang turnover sa Antonio Villegas High School sa Tondo, kasabay ng relief operations para sa 2,253 pamilya na naapektuhan ng sunog sa Barangay 105, Happyland. Kasama nina Marcos at Domagoso sa aktibidad sina Vice Mayor Chi Atienza, Congressman Ernix Dionisio at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente.

(JOCELYN DOMENDEN)

45

Related posts

Leave a Comment