Usec Castro may duda sa ‘mastermind’ INABANDONANG KABAONG SA METRO MANILA KINONDENA

HINDI ikinatuwa ng pamahalaan ang napaulat na pagkalat at pag-iwan ng mga kabaong sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nitong Biyernes, Agosto 7.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi ikinatutuwa ng pamahalaan at Philippine National Police (PNP) ang naturang insidente, lalo na’t may umiiral na freedom of expression sa bansa.

Isa sa mga kabaong ay iniwan sa Boy Scout Circle sa Quezon City at naglalaman ng mga larawan ng dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal, gayundin ng mga poster na may nakasulat na “Chinese Communist Party,” “Greedy,” at “Salot.”

May kasama rin itong pulang bandila na may katagang “Chinese community.”

“Sinabi natin na mayroon tayong freedom of expression pero depende po kung ano ang inyong ipahihiwatig. Kung mayroong pang-aabuso, mayroon bang pananakot, kaya po iyan ay iniimbestigahan ng PNP,” ani Castro.

Nang tanungin kung may ideya ang pamahalaan kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga kabaong, sinabi ni Castro na may personal siyang naiisip ngunit hindi ito mahalaga sa ngayon.

“Personal, siyempre may naiisip ako pero hindi importante ngayon kung ano ang naiisip ko,” ani Castro.

Batay sa CCTV footage, dalawang lalaki at isang babae ang dumating sakay ng isang puting van bago iniwan ang kabaong sa lugar.

Katulad na mga kabaong ang natagpuan din sa Makati, Caloocan at Maynila.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung magkakaugnay ang mga insidente at sinusuri ang mga CCTV footage at iba pang ebidensya upang matukoy ang mga nasa likod ng mga insidente.

(CHRISTIAN DALE)

86

Related posts

Leave a Comment