(NELSON S. BADILLA)
VOTE counting machines (VCMs) at secure digital (SD) cards ang dalawa sa mga teknolohiyang ginagamit sa paglulunsad ng automated election system (AES) ng Commission on Elections (Comelec).
Ang dayuhang kumpanyang Smartmatic Corporation ang nagsuplay ng VCMs at SD Cards na ginagamit ng Comelec tuwing halalan dahil palaging nagwawagi ang nasabing korporasyon sa bidding ng nasabing ahensya.
Napakahalagang isyu ang VCMs at SD Cards, sapagkat ito ang itinuturong ‘instrumento’ sa pandaraya sa eleksyon tulad ng reklamo ni dating Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Korte Suprema laban kay Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo hinggil sa eleksyon sa pagkabise – presidente noong 2016.
Inihabla ni Marcos si Robredo dahil sa “massive electoral fraud, anomalies and irregularities” tulad ng pre-shading ng mga balota, preloaded SD cards, maling pagbabasa sa nga balota, ‘di paggana ng VCMs at “abnormally high” na hindi nabilang na mga boto.
Ngunit, nabalewala ito ng mataas na korte na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal (PET).
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte na nagwagi na sa halalan noong 2016 ay itinuro pa rin ang Smartmatic na may kinalaman sa malawakang dayaan sa eleksyon.
Matapos ang eleksyon noong 2019 kung saan nagwagi ang mga kandidato ng administrasyon sa pagkasenador ay binatikos pa rin nang todo ni Duterte ang nasabing kumpanya dahil kumbinsido ang pangulo na hindi nawala ang dayaan sa halaan.
Ang banat ni Duterte laban sa Smartmatic ay parehas din ng tirada ng maraming politiko simula noong 2010 at sa mga sumunod na eleksyon.
VCMs at SD Cards uli ng Smartmatic ang gagamitin ng Comelec sa halalang 2022 dahil iginawad ng huli sa una ang mga kontrata sa VCMs at SD Cards.
Noong Disyembre, 2020 ipinanalo ng Coemelc ang Smartmatic sa pag-aayos ng 97,345 VCMs (ginamit ito sa nakaraang eleksyon), pagsuplay ng 109,745 SD main cards, pag-suplay din ng 109,745 piraso ng SD WORM (write once – read many) Cards.
Kasama rin sa napanalong kontrata ang 250,000 cleaning sheets.
Tinanggal ng Comelec sa bidding ang kalaban ng Smartmatic na Pivot International Inc. and Power Service (PSI) Inc. Joint Venture o PSI JOINT VENTURE kahit P490 milyon ang alok nito kumpara sa P637,443,308.45 ng Smartmatic.
Malinaw na “lowest calculated bid” (LCB) ang alok ng PSI JOINT VENTURE kumpara sa presyo ng Smartmatic.
Tinanggal ng Comelec ang PSI JOINT VENTURE dahil diniskuwalipika ito ng special bids awards committee (SBAC) sa kawalan ng “zero” o “dash” sa annex item ng alok nito at walang presyo ang SD cards at cleaning sheets nito.
Wala ring espesipikong presyong inalok ang Smartmatic sa SD Cards at cleaning sheets, ngunit hindi ito hiningi ng SBAC ng Comelec.
Nagkaroon muli ng panibagong bidding ang Comelec noong Mayo 5 ng taong kasalukuyan patungkol sa software na gagamitin sa election management system, VCMs at consolidation-canvassing system.
Ang dalawang kumpanya pa rin ang lumahok sa bidding. Panalo uli ang PSI JOINT VENTURE kung susundin ang batas sa bidding dahil sa alok nitong LCB kumpara sa presyo ng Smartmatic na nakalulula ang sobrang taas.
Ngunit muli ring diniskuwalipika ng SBAC ng Comelec ang PSI JOINT VENTURE sa ikalawang bidding dahil sa SD Cards na 15GB lang ang kapasidad kumpara sa 16GB na kailangan ng Comelec.
Ngunit, ayon sa verified complaint ng PSI JOINT VENTURE, nireformat ng SBAC ang kanilang SD cards, dahilan upang hindi ito tumugma sa software ng Comelec.
Nagwagi uli ang Smartmatic sa ikalawang bidding para sa software na gagamitin sa election management system, VCMs at consolidation-canvassing system.
Ayon sa beteranong clean elections advocate na si Atty. Glenn Chong: “Malinaw na minanipula ng SBAC ng Comelec ang bidding process upang madiskwalipika ang lowest bidder sa kontrata ng mga vote counting machines at SD cards”.
“Mapapatunayan ang sabwatan ng mga kasapi ng SBAC, sa pamamagitan ng kanilang emails ayon sa reklamo na isinampa laban sa mga ito,” bigwas ni Chong.
Iginiit din ni Chong na: “Pagkatapos nilang mailusot ang maanomalyang kontrata ng mga makina, ibinigay din sa Smartmatic ang kontrata para sa software ng vote counting machines, Election Management System at consolidation and canvassing systems”.
“Ang masahol pa nito, kahit basang-basa na ang pangalan ng Smartmatic USA dahil sa isyu ng dayaan sa Amerika, sa joint venture ng TIM-SMMT at Smartmatic USA pa rin ibinigay ng Comelec ang mga kontratang ito,” patuloy na banat ni Chong.
Kumbinsido si Chong sa “matinding problema ng malawakan at otomatikong dayaan ng Comelec at Smartmatic sa halalang 2022”.
139 