VILLANUEVA, ESTRADA IKINANTA SA FLOOD CONTROL PROJECTS

MATAPOS pangalanan ang ilang kongresista na umano’y sangkot sa kickback sa flood control projects sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, dalawang senador naman ang idinawit sa pagdinig ng Kamara kahapon.

Sa kanyang handwritten na salaysay na binasa sa House Committee on Public Works and Highways (Infra Committee), idiniin ni dating Bulacan First District Engineer Brice Ericson Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva na diumano’y tumanggap ng komisyon mula sa flood control projects sa Bulacan.

Ayon kay Hernandez, ang mga pera ay mula sa kanyang dating boss na si District Engineer Henry Alcantara, na siyang nagdedeliver ng kickback. Sa pagtatanong ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, inamin ni Hernandez na ibinibigay niya nang buo ang pera kay Alcantara, na umano’y siya namang nag-aabot sa mga senador.

“Pwede ho bang ‘wag niyo na po ako ibalik sa Senado, Your Honor, kasi may mga involved pong senador dito at hindi ko po alam ang magiging kapalaran ko kung ibalik niyo ako doon,” sabi ni Hernandez, na una nang na-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee at nakulong sa Senado.

Matapos bigyan ng proteksyon ng mga kongresista, binasa ni Hernandez ang kanyang affidavit na aniya’y isinulat niya habang nakakulong sa Senado.

“Tama po si Sen. Panfilo Lacson na ang mga engineers ng DPWH ay tila naging legman o bagman na lang. Kung tatanungin niyo po ako kung sino, sasagutin ko na po ngayon… Si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at DE Alcantara,” ayon kay Hernandez.

Idinetalye niya na si Estrada ay naglabas umano ng ₱355 milyon para sa mga proyekto sa Bulacan ngayong 2025, at may 30% kickback. Ang pera umano ay idineliver ng mga driver ng DPWH Bulacan First District, alinsunod sa utos ni Alcantara.

Noong 2023 naman, sinabi ni Hernandez na naglabas si Villanueva ng ₱600 milyon para sa flood control projects at may nakalaang 30% na SOP. Aniya, personal na idineliver ni Alcantara ang pera sa bahay ng senador sa Bocaue, Bulacan.

“It was usually DE Alcantara who delivered to politicians and to Usec. Bernardo,” dagdag ni Hernandez.

Mariin namang itinanggi ni Alcantara ang pagkakakilala kay Estrada, subalit iginiit ni Hernandez na nakita niya itong dumalo sa birthday party ng senador sa isang casino at nagpakita pa ng larawan bilang ebidensya.

Ayon kay Alcantara, inimbitahan lamang siya sa naturang party at nilinaw na dati siyang nagtrabaho sa City Engineering Office ng Maynila noong si dating Pangulong Joseph Estrada ay alkalde pa, kasama si Bernardo na noo’y City Engineer.

Curlee ‘Di Napiga

Umiwas ang kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya na sagutin kung may mga senador ding sangkot sa anomalya sa flood control projects matapos igiit ang kanyang right against self-incrimination sa pagdinig ng Kamara.

Matapos tanungin ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima kung may mga senador na kabilang sa mga hindi pa nito pinangalanan sa kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee, agad na sumagot si Discaya: “I have to invoke po muna my rights po.”

Sa affidavit na binasa ni Discaya sa Senado, nakasaad ang katagang “ilan sa kanila ay sina…” na ayon kay De Lima ay malinaw na nagpapahiwatig na hindi lahat ng pulitikong sangkot ay nabanggit.

“But paragraph 20 says, ‘ilan sa kanila ay sina …’ ibig sabihin, partial lang po ito, hindi po ito kumpleto?” tanong ni De Lima, na sinagot ni Discaya ng: “Yes, Your Honor.”

Hiniling pa ni De Lima na ibigay ang buong listahan ng mga mambabatas na sangkot, ngunit muling umiwas si Discaya at sinabi lamang: “Your Honor, I invoke po muna my rights po.”

Hindi nakuntento si De Lima at tinanong kung anong partikular na karapatan ang kanyang ginagamit. “Hindi ko po maintindihan kung anong klaseng rights sa batas ang ini-invoke ninyo… What specific rights do you have that you are now invoking?” ani De Lima. Sagot ni Discaya, hindi pa umano siya sigurado sa mga hawak niyang dokumento kaugnay sa iba pang pangalan ng mga politiko.

Magugunita na sa Senado ay pinangalanan ni Discaya ang 17 kongresista na umano’y tumanggap ng kickback sa flood control projects. Ngunit nang tanungin ni Sen. Jinggoy Estrada kung may mga senador na sangkot, tumanggi itong magbigay ng pangalan at sinabing wala.

Pinabulaanan

Kapwa naman itinanggi ng dalawang senador ang paratang sa kanila.
Ani Sen. Sen. Jinggoy Estrada:

“I categorically and vehemently deny the claims made by Brice Hernandez. I challenge him. Let us take a lie detector test before the public para malaman ng lahat kung sino ang nagsasabi ng totoo,” ani Estrada sa isang pahayag. Dagdag pa niya, “Talk is cheap—handa akong patunayan na pawang mga kasinungalingan ang sinasabi niya tungkol sa akin.”
Habang si Sen. Joel Villanueva:

Hanggang sa huling ulat, wala pang naunang pahayag o reaksyon si Sen. Villanueva hinggil sa alegasyon. Naka-pending ang kanyang opisyal na tugon.

(BERNARD TAGUINOD)

169

Related posts

Leave a Comment