NAGPAKITA ng pwersa ang “Marcos Alis Diyan Movement” na nagtipon sa Plaza Miranda sa Maynila kasabay ng selebrasyon ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kahapon.
Ipinanawagan ng grupo na binubuo ng iba’t ibang sektor kabilang na ang kababaihang Muslim, ang pagbaba sa pwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Anila, dapat nang bumaba si Marcos dahil hindi nito tinutugunan ang mga pangunahing usapin at suliranin ng mga Pilipino.
Payapang Nagtapos
Sa pangkalahatan ay payapang nagtapos ang pagdiriwang ng bansa sa kasarinlan nito.
Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang First family at si Manila Mayor Honey Lacuna ang nationwide commemoration ng ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa ginanap na flag raising at wreath-laying ceremony sa Rizal Park monument sa Maynila kahapon.
Taglay ang tema, ‘Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.’, ang kaganapan sa taong ito ay sumasaklaw sa bagong tradisyon ng Bagong Pilipinas sa paggunita sa kalayaan ng bansa at sa paghubog nito tungo sa malaya at maunlad na bansa.
Naging mapayapa at maayos ang selebrasyon na sabayang ipinagdiwang sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa Maynila, napanatili ang kaayusan sa buong pagdiriwang sa Rizal Park dahil sa direktiba ni National Capital Regional Office (NCRPO) chief Police Major General Jose Melencio Nartatez sa kanyang nasasakupan particular sa Manila Police District (MPD) na nagpakalat ng mahigit 1,600 pulis para magbantay sa buong paligid ng Quirino Grandstand.
Sa ibinahaging mensahe ni Marcos, sinabi nitong “Isang karangalan na mapabilang sa lahing Pilipino na ang mga ninuno ay magiting at nakipaglaban upang maibalik ang kasarinlan at kapayapaan sa ating bansa.”
“At bilang tagapagmana ng kalayaan na tinatamasa natin ngayon, tungkulin ng bawat isa sa atin na pangalagaan ito at tiyaking hindi na tayo kailanman magpapatinag sa anumang banta ng pananakot, pananakop at pang-aapi.”
Bukod kay Lacuna, dumalo rin sa pagdiriwang ang mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga kinatawan ng iba’t ibang bansa.
Sa mensahe ni Marcos, humugot ito ng inspirasyon mula sa araw-araw na pakikibaka ng mga ordinaryong mamamayan na napagtagumpayan ang mga hamon sa pamamagitan ng pagsisikap, lakas ng loob at katapangan.
Hinikayat ng Pangulo ang sambayanan na patuloy na magsikap at lumaban sa mga kasalukuyang hamon upang makalaya sa kahirapan.
Dito binigyang pagkilala ng Pangulo ang kahanga-hangang katangian ng mamamayang Pilipino gaya ng mga magsasaka, mangingisda, guro at sundalo ng bansa na ang ‘laban’ ay katulad sa kanilang mga ninuno.
“While the times may be different our struggles remain the same. Still we continue to witness the true spirit of freedom in every Filipino who fights fairly in their day-to-day lives,” ayon pa sa Pangulo.
“We see it in the resilience of our farmers and fisherfolks as they provide us sustenance. We see it in the dedication of our teachers as they nurture the minds of the future generation. We see it in the tenacity of our soldiers as they protect every inch of our territory, adamant as they are in the certainty that Filipinos do not, and shall never, succumb to oppression,” ayon pa rito.
Ipagtanggol Kasarinlan
ng Bansa – Gibo
“MANATILI tayong mapanuri at handa na gawin ang ating bahagi sa pagbabantay at pagtatanggol sa kalayaan at kasarinlan ng ating Inang Bayan.”
Ito ang buod ng mensahe ni Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro, ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, sa pakikiisa ng ahensya sa paggunita ng ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Republika ng Pilipinas.
Sinabi ni Teodoro na sa paggunita ng araw na ito, dapat lamang na pagnilayan ang mga aral ng kasaysayan.
“Pasalamatan natin ang ating mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating kasarinlan at pagyamanin ang punla ng kaunlaran at kalayaang atin ngayong tinatamasa,” ani Teodoro.
“Sa gitna ng panibagong banta sa ating kalayaan at soberanya at ng mga hamon ng modernong panahon, ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa ay inyong maaasahan na mananatiling matatag sa paninindigan sa pambansang karapatan sa ating mga kapuluan at sa pagtitiyak ng ating kinabukasan.
Pagkakaisa Lakas
ng Bansa – Brawner
Sa kanyang panig, sinabi ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na mamamayani ang pag-ibig at pagiging makabayan para harapin ang hamon at mapagtagumpayan ito nang buong tapang.
” Ako at ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nakikiisa sa paggunita ng ika-126 anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng bansa.
Ayon pa kay Brawner na bilang isang malayang bansa na itinaguyod ng mga ninuno, mananatili itong solido, tapat para sa mamamayan at bandila.
Kasama ang pagmamahal sa bayan, ang pagkakaisa ay lakas habang binubuo ang mas matatag na bansa para sa mga darating pang henerasyon.
“Kaakibat ng pagpapanatili ng kapayapaan, kasama ng sambayanang Pilipino ang AFP tungo sa isang progresibo at makabagong bansa,” ayon pa kay Brawner. (JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE)
