LALONG nadidiin sa kasong ‘betrayal of public trust’ si Vice President Sara Duterte dahil sa patuloy nitong pagtanggi na sagutin at ipaliwanag ang mga kwestiyonableng paggasta ng kanyang confidential and intelligence funds (CIF) noong 2022 hanggang 2023, partikular na sa isyu ng mga lumitaw na pangalang nakatanggap ng pondo at pinagdududahang gawa-gawa lamang.
Deklarasyon ito ng isa sa 11 House prosecution panel na si House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor kaugnay ng patuloy na pagbabalewala ni VP Duterte sa mga inimbentong pangalan na naging recipient umano ng kanyang CIF sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
“That (pag-iwas ni Duterte na sumagot) is a clear betrayal of public trust,” ayon kay Defensor, kung saan idinagdag na “that’s exactly one of the reasons why this impeachment complaint proceeded.”
Ang ‘betrayal of public trust’ ay isa sa pitong (7) article of impeachment na inaprubahan sa Kamara at isinumite sa Senado na may kaugnayan sa P612.5 milyong CIF ng pangalawang pangulo na hindi ipinapaliwanag kung papaano ginamit.
Pinunto ni Defensor na maraming pagkakataon ang ibinigay ng Kamara de Representante sa panganay na anak na babae ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte para ipaliwanag ang isyung ito subalit iniiwasan ito ng pangalawang pangulo kaya itinuloy aniya ang pagpapa-impeach sa kanya.
“That’s right. That makes it even worse because it violates your oath on accountability on public trust. It’s a clear betrayal of public trust,” ayon pa sa mambabatas.
“Because if only she (Duterte) attended the hearings of the House Committee on Good Government and answered how these acknowledgment receipts were made, if there were true recipients of the P612.5 million spent in intelligence and confidential funds, hindi na sana nagtuloy-tuloy pa itong impeachment,” dagdag nito.
Bukod sa binansagang ‘Chichirya Gang’, na kinabibilangan nina Mary Grace Piatos, Pia Piatos-Lim, Renan Lim at iba pa, natuklasan din ng Kamara ang ‘Dodong Gang’ na binubuo ng limang nagngangalang Dodong at maliban pa sa bagong tuklas na ‘Amoy Asim Gang’ na kasama sina ‘Amoy Liu’, ‘Fernan Amuy’, ‘Joug De Asim’, ‘Jay Kamote’, ‘Miggy Mango’, ‘Xiaomi Ocho’ at iba pang mga pangalan na pawang walang record sa Philippine Statistic Authority (PSA).
(PRIMITIVO MAKILING)
