ITINUTURING ni Vice President Sara Duterte na “political attack” sa kanyang pamilya ang iba’t ibang kasong kriminal na isinampa laban sa kapatid na si Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Z. Duterte kabilang ang human trafficking, attempted murder, grave threats, at physical injuries.
Sinampahan kasi ng reklamo ng isang negosyante si Pulong kaugnay ng pananakit sa kanya sa loob ng isang high-end bar sa Brgy. Obrero, Davao City noong madaling araw ng Pebrero 23, 2025.
Sinabi ni VP Sara na nais lamang ng administrasyong Marcos na sirain ang imahe ng mga kaaway nito para pagtakpan ang tunay na usapin sa bansa.
“Everytime nagkakaroon sila ng issue, malaking issue na kabalbalan na ginagawa nila, ang kanilang pang-cover sa mga issue na ito ay atakihin ‘yung kalaban nila sa pulitika,” ang sinabi ni VP Sara.
Sa ulat, isinumite ni Kristone John Patria, kilala rin bilang Kristone John Patriarca, 37, residente ng Panacan, Davao City sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa Office of the City Prosecutor ang kanyang sinumpaang salaysay. Ang kaso ay may docket number na XVT-INV-25E-00102 at may kaukulang paglabag sa Article 265 (Less Serious Physical Injuries) at Article 282 (Grave Threats) ng Revised Penal Code.
Ayon kay Patriarca, siya ay pinagsusuntok, sinipa, binulyawan, at tinangkang saksakin ng kongresista gamit ang patalim sa loob ng Hearsay Gastropub Bar, kasunod ng alitan kaugnay sa bayad para sa mga babaeng umano’y inarkila para sa isang pribadong salu-salo sa utos ni Duterte at ng kanilang kaibigang negosyanteng si Charlie Tan.
Dahil maimpluwensyang pamilya ay natakot siyang magsampa agad ng kaso.
Sa reklamo, sinabi ni Patriarca na inutusan siya ni Tan na dalhin ang anim na magagandang babae sa bahay nito sa Woodridge, Brgy. Maa, kung saan naroroon na sina Duterte at ilang Chinese businessmen na umiinom.
Pulong Abusado
Samantala, naalarma ang grupong Gabriela matapos mabunyag na ibinubugaw ang kababaihan sa grupo ni Davao City Rep. Duterte.
“While we are, sadly, not surprised, we are deeply disturbed by reports of prostituted women being used for the private entertainment of a sitting lawmaker,” ani Gabriela Secretary-General Clarice Palce.
Una rito, kumalat ang video kaugnay ng pananakit ni Duterte sa isa umanong ‘bugaw” matapos magreklamo ang isang babae na binayaran lamang ng mambabatas ng P1,000 habang ang iba ay tig-P5,000.
Lumalabas na nagpadeliber ang isang “Charlie Tan” ng mga babae sa umanoy bugaw na si Kristone John Patria kay Duterte sa isang club sa Davao City bago lumipat ang mga ito sa isang club kung saan nangyari ang pananakit ng kongresista.
Pinabayaran din umano ni Duterte kay Patria ang babaeng ginamit umano ng mambabatas matapos siyang saktan dahil sa galit nito.
“If proven true, this is a clear case of sexual exploitation that must not go unpunished—especially when it involves a public official and a re-electionist,” ayon pa kay Palce.
Samantala, hindi naman itinanggi ni Duterte ang nangyari subalit pinapasuri na umano ng kanyang mga abogado kung tunay o hindi ang kumalat na CCTV footage na aniya’y matagal nang nangyari.
(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
