MINALIIT ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang kumakalat na ulat hinggil sa umano’y tangkang destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., wala silang beripikadong intelligence na nagpapakita ng seryoso at nakaambang banta ng kudeta o pag-aalsa na suportado ng militar.
Gayunman, tiniyak ng PNP na mananatili itong naka-heightened alert bilang pag-iingat.
Nauna rito, sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may ilang retiradong opisyal ng militar na umano’y nagtatangkang mag-recruit ng mga miyembro ng uniformed services.
Giit ni Nartatez, nananatiling committed ang pulisya at militar sa chain of command at sa Konstitusyon.
“Our loyalty is to the Constitution and the Filipino people, not to any political faction,” ani Nartatez, sabay-diin na nakatuon ang PNP sa mandato nitong panatilihin ang kaayusan at labanan ang krimen.
Samantala, sinabi ni AFP spokesperson Col. Xerxes Trinidad na kinakailangang beripikahin muna ang mga ulat bago ito seryosohin.
Wala rin aniya silang natatanggap na report na nagpapatunay ng banta habang nagpapatuloy ang mga aktibidad ng Joint Balikatan exercises.
Kapwa binigyang-diin ng AFP at PNP na nananatili silang propesyonal at sumusunod sa umiiral na chain of command sa gitna ng mga kumakalat na ulat sa social media.
(JESSE RUIZ)
99 