₱17.65M PUSLIT NA SIGARILYO, NASABAT NG PNP SA PANGASINAN

NASA tinatayang ₱17.65 milyon halaga ng smuggled o puslit na sigarilyo ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa isang van sa Agno, Pangasinan.

Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office, nasabat ng mga tauhan ng Agno Municipal Police Station ang van na kargado ng ilegal na kontrabando bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa cigarette smuggling.

Inaresto ang dalawang suspek, kabilang ang 31-anyos na driver na tubong Bataan at 47-anyos na substitute driver na mula sa Sorsogon.

Kapwa nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek matapos mabigong makapagpakita ng legal na dokumento o permit para sa pagbibiyahe ng mga sigarilyo. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act sa Department of Justice (DOJ).

Itinuturing ito ng mga awtoridad na pinakamalaking huli ng smuggled cigarettes sa Pangasinan ngayong taon, na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC) at Barangay Tupa Bantay Dagat.

Umabot sa 278 master cases ang nakumpiska, na naglalaman ng kabuuang 139,000 kaha ng Red Modern cigarettes.

Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA) Region 1, nasa ₱127 kada kaha ang market price ng mga sigarilyo, kaya tinatayang ₱17,653,000 ang kabuuang halaga ng nakumpiskang tobacco products.

(JESSE RUIZ)

64

Related posts

Leave a Comment